Advertisers

Advertisers

ROMUALDEZ, ‘INNOCENT UNTIL PROVEN GUILTY’

0 6,535

Advertisers

Pamosong prinsipyo sa batas ang ‘presumption of innocence’ na ibig sabihin, ang isang inaakusahan ay itinuturing na inosente hangga’t hindi ito napapatunayang nagkasala sa mata ng batas at matapos dumaan sa paglilitis o proseso ng batas.

Dito sa ating bansa , kahit sino ay pupuwedeng mag-imbento at sa oras na balugbugin ka ng social media, ‘guilty’ ka na agad kahit pa walang kasong inihaharap laban sa ‘yo.

Nakalulungkot pero dito sa bansa natin, ‘yung tinatawag na ‘trial by publicity’ ang umiiral dahil sa kakulangan ng edukasyon ng mas nakararaming Pilipino.

Gaya na lang ng nangyari sa kaso ng nagbitiw na House Speaker Martin Romualdez. Nagbasa ng sinumpaan daw niyang salaysay ang isang dati daw security aide ng nagbitiw ding si dating Rep. Zaldy Co kung saan diumano ay nagdeliver siya ng pera kay Romualdez.

Siyempre, sinakyan agad ito ng mga taong may mapapala kapag siniraan si Romualdez. Pinagpiyestahan ng mga trolls ang isyu at sa mga post nila ay ‘guilty’ na nga kaagad si Romualdez. Tinitira din nila si Pangulong Marcos gayung ito ang nag-expose sa mga anomalya ng flood control.

Hindi ko kinakampihan si Romualdez pero sa totoo lang, ang hirap paniwalaan. Wala naman sigurong taong may mataas na posisyon ang gagawa ng iligal tapos ipapadeliver ang bunga ng kailigalan sa mismong bahay niya pa, na alam mong anumang oras ay pupuwede kang ikanta ng nagdedeliver. Bukod diyan, hahayaan mong marami ang nakakaalam? Talaga?

Bago pa maging pulitiko ay angat na talaga ang kabuhayan at kilala na si Romualdez bilang isang bangkero at nagpapatakbo ng foundation sa Leyte na tumutulong sa mga nangangailangan.

Pero dahil nga lumaki na ang isyu ng bintang sa social media, nagdesisyon si Romualdez na magbitiw na lang bilang House Speaker.

Sa ganang akin, ang ginawang ito ni Romualdez ay isang sakripisyo para maprotektahan ang buong Kongreso at maging ang pinsang niyang si Pangulong Bongbong Marcos, Jr. na pilit idinadamay ng mga trolls at netizens na anti-Marcos.

Kung tutuusin o naiba-iba lamang ‘yan, hindi magbibitiw sa puwesto. Hindi naman talaga ito kailangang gawin ni Romualdez pero ginawa niya pa din, kahit pa wala namang kasong isinasampa laban sa kanya at wala ding solidong ebidensiya laban sa kanya.

Kahit sino ay pupuwedeng mag-imbento ng bintang sa kahit na sino din. Hindi lahat ng bintang at nagbibintang ay dapat paniwalaan. Hindi dapat maging utu-uto sa kahit sino na lamang.

Higit sa lahat, ang isang nagbibintang ay dapat na makapagpakita ng matibay na pruweba para patunayan ang kanyang bintang nang walang pasubali at ang pinagbibintangan naman ay ‘deserve’ na mabigyan ng pagkakataon upang ipagtanggol ang sarili sa tamang forum o lugar ng hustisya.

Kung sa iba nga na may kaso nang hinaharap ay naga-apply pa rin ang kasabihang, ‘innocent until proven guilty,’ kay Romualdez pa kaya na wala namang kasong kinakaharap ukol sa bintang sa kanya?

Sa patas lang tayo. Hintayin ang kalalabasan ng imbestigasyon ng ICI bago maghusga.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.