Advertisers
Sa mga panahong ito, malinaw na punong-puno na ang mga Pilipino sa di matapos-tapos na korapsyon sa bansa na habang tumatagal ay palala nang palala.
Sa darating na 2028, tiyak na ‘yun at ‘yun din ang mga kandidatong tatakbo sa pagka-Pangulo ng bansa. Mga pamilyar na mukha, pamilyar na apelyido. Kaya naman walang nababago sa sistema.
Kung talagang gusto natin ng pagbabago, panahon na din siguro para magluklok tayo ng bagong mukha. ‘Wag na ‘yung tinatawag na ‘trapo’ o mga traditional politician.
Isa sa pinakapupuwedeng subukan nating lahat ay ang business tycoon na si Ramon S. Ang o mas kilala bilang si RSA, ang negosyanteng nasa likod ng tagumpay ng napakaraming kumpanya at produkto gaya ng San Miguel Corporation. Sa kalukuyan, siya din ang nasa likod ng matagumpay na transformation ng mga pangunahing paliparan ng bansa— ang NAIA Terminals.
Bukod sa angking kagalingan ni RSA na napatunayan sa pagiging matagumpay ng lahat ng negosyong kanyang hinawakan, ipinamalas din ni RSA ang kanyang malasakit sa komunidad sa pamamagitan ng pagbabalik ng mga grasyang tinatamo niya, sa paglulunsad ng mga proyekto na pinakikinabangan ng mga mahihirap.
Ginagawa niya ang mga ito nang tahimik lamang at walang pa-showbiz effect gaya ng pagbibitbit ng mga media o vlogger. Ibig sabihin, sinsero.
Kelan lang ay marami ang natuwa at isa na ako duon, nang lumabas sa social media ang isang video kung saan inaako ni RSA ang pagtulong na lutasin ang problema ng bansa sa mga pagbaha. Aniya, ang tulong na alay niya ay walang gastos na magmumula sa gobyerno dahil sagot niya na lahat.
Natawa din ako gaya ng iba, nang sundan ito ng pabirong sabi ni RSA na ‘kaya lang wala na kayong hanapbuhay’. Alam naman kasi nating lahat na pinagkakakitaan ng mga taong gobyerno ang bawat kibot o proyekto at gaya nga niyan, lumitaw na ang mga flood control projects ang pinakamatinding nakawan na naganap sa ating bansa.
Sa estado ni RSA bilang isa sa pinakamayaman sa bansa at isa, kung di man pinakamatagumpay na negosyante sa Pilipinas, wala na siyang nanaisin pa sa buhay.
Kaya naman sa kanya, makakatiyak ang mga kababayan natin na hindi siya magnanakaw sa kaban ng bayan. Siguradong sa tama mapupunta ang pondo at tiyak ding matutulungan lahat ng nangangailangan.
At kung pagbabatayan ang ugali nito, masasabing nananatili siyang ‘humble’ at walang kayabang-yabang sa katawan, sa kabila ng kanyang narating sa buhay at kasalukuyang estado sa lipunan. Palakaibigan ito at masayang kausap at talagang matalino.
Maraming bansa na ang sumubok na magluklok ng matatagumpay na negosyante para pamunuan ang kanilang bansa at walang nagsisi sa mga ito. Nariyan ang Italy, Lebanon, Chile, Czech Republic at maging ang USA.
Sa katunayan, si Andrej Babiš ay nanalo kelan lang sa ikalawang pagkakataon bilang Prime Minister of the Czech Republic at sa USA naman, si Donald Trump ay ikalawang beses na ding nahalal bilang Pangulo.
Nangangahulugan lamang ito na ang magagaling na negosyante ay maayos magpatakbo ng bansa at ng ekonomiya, kaya sila ay nahahalal na muli.
Panahon na para baguhin natin ang sistema. Umpisahan natin sa pagsasantabi ng mga trapo at pagluklok ng mga bagong pangalan at mukha para pamunuan ang Pilipinas.
Ang mga magagaling na negosyate na gaya ni RSA ang nakikita kong susi para mabago na rin sa wakas ang bulok na sistema ng walang katapusang korapsyon sa gobyerno. Bakit di natin subukan?
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.