Advertisers

Advertisers

2 pekeng ‘faith healer’, arestado

0 46

Advertisers

Arestado ng pulisya ng Valenzuela City ang dalawang babae nang magpanggap na faith healer, at mambudol ng P311, 100 halaga ng alahas at cash, nitong Linggo ng gabi, Oktubre 19.

Kinilala ni PCOL Joseph Talento, Acting Chief of Police ng Valenzuela City Police Station ang mga suspek na sina alyas “ Charie”, 34; at “Maria”, 50, pawang residente ng Barangay San Rafael, Montalban Rizal.

Kinilala naman ang mag-asawang biktima na sina Gilda, at Domingo, kapwa 46-anyos at residente ng Barangay Mapulang Lupa, Valenzuela City.



Sa ulat ni PCpt Robin Santos, hepe ng SIDMS, VCPS, Biyernes, nakilala ni Domingo ang mga suspek sa palengke sa Barangay Malinta habang nagtatawas at nagbebenta ng mga diumano’y herbal na gamot. Ayon kay Domingo, halos dalawang taon ng may sakit na “sciatica” ang kanyang asawa. Pinangakuan ng mga suspek si Domingo na kaya nilang pagalingin ang asawa sa pamamagitan ng isang ‘healing ritual’ .

Ayon sa biktima, pinapaghanda sila ng mga suspek ng walong iba’t ibang uri ng prutas, walong iba’t- ibang uri ng bulaklak, walong pirasong itim na kandila, P198,100 cash, pitong iba’t-ibang uri ng gold na alahas na nagkakahalaga dapat ng P113,000, at dalawang puting sobre para “alay” o “offering” kay ‘Datu Karu’, ang puting duwende na magpapagaling anila kay Gilda, at gagamitin lamang ang mga ito sa ritwal at hindi nila iuuwi o kukuhanin.



Sa kanilang bahay, araw ng Linggo, isinagawa ang diumanong ritwal, isinilid ni Maria ang pera at mga alahas sa puting sobre at itinali ito ng puting tali. Inutusan ni Maria si Domingo na dalhin ito sa loob ng kanilang banyo kasama ang iba pang alay at magdasal aniya kay Datu Karu na pagalingin ang. kanyang asawa.

Sumunod si Charie sa banyo at pinalabas ang biktima at magdarasal din siya kay Datu Karu. Paglabas ni Charie, si Maria naman ang pumasok sa banyo at ikinandado ito.



Paglabas ni Maria, ibinalot nito ang mga alay sa dilaw na tela at itinali ito. Inutusan ng mga suspek ang biktima na dalhin ito sa kanilang kuwarto at mahigpit na sinabihang huwag itong bubuksan dahil babalikan nila kinabukasan.

Sa pagdududa ni Domingo dahil sa pagmamadali ng dalawa, binuksan niya ang itinaling alay at doon niya natuklasan na napalitan ng mga papel (budol money) ang kanilang pera at mga alahas.

Hinabol ang dalawa hanggang sa maituro ito ng mga nakakita na sumakay ang dalawa sa bus sa Valenzuela Gateway Complex (VGC). Nang maabutan, ini-report kaagad sa substation-8 at dumating ang kapulisan at naaresto ang mga ito.

Narekober sa mga suspek ang cash at mga alahas ng biktima.

Nahaharap sa kasong paglabag sa article 315 ng revised penal code o “swindling/ estafa” ang dalawang suspek.

Paalala ni PCOL Talento sa publiko na maging alerto at huwag kaagad ,maniniwala sa mga taong hindi kakilala. Nananawagan din ang hepe sa mga nabiktima ng ganitong modus na makipag-ugnayan sa 09064197676/ 09985987868, o maaari pong magsadya sa Valenzuela City Police Station.(Beth Samson)