Advertisers
HALOS ilang buwan pa lamang na nanunungkulan bilang Region 4A Director ng National Bureau of Investigation (NBI) si Atty. Janet Francisco ay dalawang beteranong notoryus na tong kolektor ang kaagad na umiikot sa mga kuta ng mga ilegalista at nangingikil gamit ang pangalan ng tanggapan ng walang kamalay-malay na pinuno ng NBI.

Hindi lamang si Atty. Francisco ang “nabubukulan” ng tong kolektor na sina alyas Jack at Santino kundi maging si NBI Dir. Atty. Jaime Santiago ay katatakot-takot din ang inaabot na “bukol” sa naturang dalawang tulisan.
Hindi natutunugan ng dating Tagaytay RTC Judge na si NBI Dir. Santiago, na tulad ni Atty. Francisco ay ipinangongolekta din nina alyas Jack at Santino ng lingguhang payola o intelhencia ang tanggapan ng NBI mula sa mga ilegalistang ang sentro ng operasyon ay sa CALABARZON.
Bawat probinsya sa CALABARZON ay may nakatutok na tong kolektor sina alyas Jack at Santino. Sa Batangas ay isang alyas Aldwin ang kanilang tong kolektor. Si Aldwin ay kolektor din ng ilang opisyales ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG). Sa Quezon Province ay si alyas Russell; sa Laguna ay si alyas Onyok; sa Rizal ay si alyas Sgt. Marcial at sa Cavite ay si alyas Sgt. Sagpao na may alyas din na Jorge at Rigor.
Habang maaga ay kailangan nang maipasakote nina Dir. Santiago at Atty. Francisco ang mga naturang tong kolektor.
Pasok din sina alyas Jack at Santino sa operasyon ng Small Town Lottery cum jueteng o bookies, pergalan (peryahan na pulos sugalan) na may shabuhan, sakla, colorum van at illegal terminal, illegal quarry at illegal logging. Panakot nina alyas Jack at Santino sa mga naturang ilegalista ay ang pangalan ng mga tanggapan nina Atty. Francisco at Dir. Santiago.
Daang libo ang kolektong nina alyas Jack at Santino mula sa STL cum jueteng operator sa Lipa City na sina Sgt. Michelle, alyas Cueto Figaro at sindikatong Big 4 na kinabibilangan nina Ana Tomboy, Ycarro, Lescano, Boy Recto at Gary, at ng 30 iba pang bookies maintainer.
Nasa compound ng Lumina Housing sa Brgy. Tanguay, Lipa City ang pinakamalaking rebisahan ng taya sa bookies na di mapasok ng operatiba ni Lipa City Police Chief LtCol. Aleli Buaquen sa pangambang magkaroon ng engkwentro sa pagitan ng grupo nina alyas Jack, Santino at mga miyembro ng pulisya ng Lipa City.
Naipayola din nina alyas Jack at Santino ang mga tanggapan nina Atty. Francisco at Dir. Santiago sa sindikatong buriki/paihi na pinamumunuan ng isang alyas Amigo na nagkukuta sa kahabaan ng Maharlika Highway, Tierra De Oro Resort, Brgy. San Antonio 1, San Pablo City. Kamag-anak si alyas Amigo ng isang PNP general kaya ilegal man ang pinagkikitaan ay di kayang buwagin ito ni Laguna PNP Provincial Director Col. Junar Yupio?
May sindikato din ng buriki na pinatatakbo sina Amang, Aldo at Violago Syndicate sa Brgy. Bancal, Carmona City, Cavite. Sa compound ng isang saradong beach resort sa Brgy. Simlong Batangas City ay may buriki/paihi operation si alyas Balita. Protekado ito ng ilang lokal na police at ilang barangay official na mahabang panahon nang nag-ooperate ay di kinakanti ng pulisya at maging ng NBI.
Dalawang sindikato ng buriki/ paihi ang nag-ooperate naman sa Quezon Province na kinikikilan din nina alyas Jack at Santino ng Php 500k weekly para sa tanggapan ng walang kamalay-malay na sina Atty. Francisco at Dir. Santiago. Ang mga ito ay inooperate ng isang alyas Charlie malapit sa Talisay Elementary School sa bayan ng Tiaong at ang pinatatakbo ng magkasosyong Sammy at Alfred sa Brgy. San Luis, bayan ng Guinyangan, Quezon.
May lingguhan ding kotong sina alyas Jack at Santino sa may 30 sakla operator sa Lipa City, Padre Garcia, Nasugbu, Tanauan City at Santo Tomas City, pawang sa Batangas.
Kada pwesto ng peryahan na may sugalan at shabuhan sa buong CALABARZON ay may Php 80k weekly intelhencia sina alyas Jack at Santino kabilang dito ang inooperate nina Baby Tomboy, Ka Rudy, Pajon at Rommel sa Brgy. 3 Poblacion Nasugbu, Brgy. Sambat sa bayan ng Padre Garcia at Calaca City na pinatatakbo ni Arnel Bangag, pawang sa Batangas; Poblacion Naic at sa likod ng Jollibee Cavite City, Cavite na pinatatakbo din nina Baby Tomboy, Ka Rudy, Pajon, Rommel at Sig. May Karugtong.
***
Para sa komento: Cp.No. 0966 406 6144.