Advertisers

Advertisers

SEN. ERWIN, NAMAHAGI NG TULONG SA MGA BIKTIMA NI ‘TINO’ SA PALAWAN; DAGDAG NA TULONG PARA SA MIMAROPA, ISINUSULONG

0 9

Advertisers

Humigit-kumulang sa 1,000 pamilya sa Langogan, Puerto Princesa, na naapektuhan ng bagyong ‘Tino’ ang personal na inabutan ng tulong ni Senador Erwin Tulfo noong Sabado.

Ang mga ayuda na kinabibilangan ng bigas at mga pangunahing pangangailangan ay bilang karagdagan pa sa nauna nang pamamahagi ng tulong-pinansyal ng Senador sa mga munisipalidad ng Palawan gaya ng Roxas, Agutaya, Araceli, at Coron.

“Habang ako ay Senador, magtutulungan tayo upang maibsan ang sitwasyon hindi lang sa Langogan, Puerto Princesa, kundi sa buong Palawan. At higit sa lahat, ng buong MIMAROPA na laging napag-iiwanan,” ani Tulfo.

Bumisita rin ang Senador na tubong Palawan sa Barangay Binduyan sa Puerto Princesa na kamakailan lang ay nakaranas ng landslide na nagresulta sa pagkasira ng isang bahagi ng pambansang lansangan.

Nagtungo din si Sen. Erwin sa Western Command (WESCOM) sa Palawan, na pinamumunuan ni Commander Vice Admiral Alfonso Torres Jr., upang ipahayag na isusulong niya sa Senado ang karagdagang pondo para sa pagpapaunlad ng imprastraktura at maintenance ng military hospital.

Pinuri rin ng mambabatas ang serbisyo ng mga tagapagtanggol ng Western Fronter, na ipinakita ng mataas na public trust sa buong Sandatahang Lakas ng Pilipinas.

“Sabi ko sa sarili ko na tutulungan ko kayo dahil malaki ang tulong ninyo sa bansa. Panatilihin niyo iyan,” wika ni Tulfo, na nakikipag-usap sa militar ng Western Command.

Bilang pagtatapos ng kanyang pagbisita sa kanyang bayan, nakiisa si Sen. Erwin sa kanyang mga kapwa alumni sa Seminario de San Jose na aktibo rin sa serbisyo publiko.

“Disiplina, pasensya, at panalangin. Ito ang naging gabay ko sa paglilingkod sa bayan. Ang mundo ng pulitika ay sumusubok sa iyong karakter araw-araw. Ngunit salamat sa seminaryo, natutunan ko na ang tunay na pamumuno ay serbisyo at ang serbisyo ay pagmamahal, hindi ambisyon,” saad ni Tulfo.

Bilang tagapagtaguyod ng ora mismong serbisyo publiko, ang bagitong Senador ay aktibong tumutulong sa pamamagitan ng kanyang extension office sa Palawan upang pagsilbihan ang mga mamamayan ng MIMAROPA sa medical, financial, burial, legal assistance at iba pa. (JERRY S. TAN)