Advertisers
SA halip na maging tagapagtanggol ng buong Senado, tila unti-unti nang lumilinaw kung sino talaga ang pinapanigan ni Senate President Tito Sotto.
Oo! Nagbanggit muli ng mga pangalan mula sa kaniyang testimonya si dating Public Works Undersecretary Roberto Bernardo. Pero imbes na ipairal ang impartiality, bigla nalang umasta si Sotto na parang abogado nila Grace Poe at Mark Villar.
Bakit kaya?
Unang tanong: Competent pa ba si Sotto bilang Senate President kung pinapaboran niya ang ilang Senador lamang at personalidad?
Ang isang tunay na lider ng Senado ay nagtatanggol sa integridad ng buong institusyon, hindi sa iilang pangalan. Pero sa tono ng kanyang pahayag, parang mas mahalaga pa kay Sotto na pangunahan ang pagdepensa sa ilang kaalyado kaysa tiyaking patas at malinis ang proseso.
Kapansin-pansin ang bilis ng kanyang pagkontra sa testimonya ni Bernardo. Agad niyang sinabing “baligtad” at ang DPWH pa raw ang may utang sa pamilya ni Poe. Pero kung ganyan ang mindset ni Sotto, bakit pa niya hinahayaang magpatuloy ang imbestigasyon? Kung duda siya sa mga sinabi ni Bernardo sa latest Blue Ribbon hearing, dapat sana ay wala naring bisa ang lahat ng pahayag niya mula pa noong umpisa. Para narin niyang sinasabing: “Walang maniniwala diyan, move on na tayo.”
Kung ganyan ang pagtrato ni Sotto sa mga testimonya tuwing mababanggit ang pangalan na kaniyang mga kaalyado at kakampi, eh ‘di ipasara nalang ang hearing na yan.
Sa ganitong asal, malinaw na kinukumpasan niya ang direksyon ng imbestigasyon at iniiwasang tamaan nito ang mga malalapit sa kanya. Mismo!
Anyare, Tito Sen? Takot ka bang mapatalsik bilang SP?
***
Ngayong batid na ng mga naturang senador sa flood control scandal na sila’y maiisyuhan ng arrest warrant, malamang magsipagtago na ang mga ito, o sumama sa anti-corruption rally ng Iglesia Ni Cristo (INC), at magdasal na ma-kudeta si PBBM para matigil na ang imbestigasyon sa flood control scandal at maabsuelto sila. Puede!
Dapat maglabas na ng ‘hold departure order’ ang Department of Justice (DoJ) laban sa naturang mga “tulisan” bago pa maglaho na parang bula ang mga mandarambong na ito. Mismo!
***
Sa 3-day INC rally, ipinanawagan nito ang transparency at accountability sa mga nabunyag na katiwalian sa government infrastracture projects partikular flood control. Bravo!
At lalo tayong bibilib sa INC kung sa darating na eleksyon 2028 ay ipanawagan nilang ‘wag iboto ang mga kandidato na tainted o may isyu ng korapsyon.
Ang INC ay kilalang nagkakaisa pagdating sa botohan, sumusunod sila sa kung ano ang lista/pasya ng kanilang pinaka-pinuno.
Malaki ang ambag ng INC sa paghalal para maging opisyal ng gobierno.
At ilan sa mga isinasangkot ngayon sa flood control scandal ay kabilang sa mga napagpasyahan nila noong 2019 at 2022 elections.
Sana ‘di na sila magkamali sa 2028. Amen!