Advertisers
Matapos ang mahigit isang taong pagtatago, tuluyan nang naaresto ang isang lalaki na kabilang sa Most Wanted Person (MWP) ng Valenzuela nang masukol ito sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon sa report na nakalap mula kay Valenzuela City Police Station chief P/Col. Joseph Talento, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa pinagtataguan ng akusadong si alyas “Dada,” 31, sa Pangasinan.
May nakabinbin ang akusado na warrant of arrest na inisyu ng Family Court, Branch 16, Valenzuela City noong July 12, 2024, para sa limang bilang ng Lascivious Conduct under Section 5(b) of R.A. 7610, kaya nakatala ito bilang Top 5 Most Wanted Person sa VCPS.
Katuwang ang CIDG Pangasinan PFU-SATT1, NDIT, at RIU-NCR ng Intelligence Group, agad ikinasa ng mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) ng VCPS ang manhunt operation na nagresulta sa matagumpay na pagkakaaresto sa akusado sa Burgos, Pangasinan, dakong alas-8:20 ng umaga.
Maayos naman umanong naisilbi sa akusado ang naturang warrant na may inirekomendang piyansa na P180,000 bawat bilang para sa kanyang pansamantalang paglaya.(Beth Samson)