Advertisers
Tinawag na ‘insulto’ sa intelektwal na kapasidad ng mayorya ang sinasabing pagsasagawa ng umano’y espesyal na eleksyon ng Liga ng mga Barangay.
Ito ang naging reaksyon ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila tungkol sa inihaing patung-patong na mga reklamo ng kapatid ni dating Manila Mayor Honey Lacuna na si Leilani Lacuna.
Sa reklamo ng kampo ni Lacuna, iginiit na ilegal ang naganap na eleksyon kamakalain nang tanggalin siya bilang presidente ng Liga ng Barangay.
Subali’t, naniniwala ang lokal na pamahalaan ng Maynila na ang anumang alegasyon di’ nangangahulugan o katumbas ng katotohanan.
Habang aminado ang opisina ng alkalde na hindi pa nito natatanggap ang kopya ng reklamo at hihintayin na lamang na pormal itong maisilbi.
Nirerespeto anila ang naging boto ng mga kasapi ng liga na 844 pabor para sa bagong liderato mula sa kabuuang bilang na 896 miyembro nito.
Pahayag naman ni Leilani Lacuna na ayaw nitong isipin na ang kanyang pagkakatanggal mula sa puwesto na bunsod ng pulitika.
Martes ng umaga nang maghain ng reklamo sa Ombudsman si Lacuna ng paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, Usurpation of Authority at kasong administratibo tulad ng Grave Misconduct, at Grave Abuse of Authority.
Inireklamo niya ang alkalde ng Maynila na si Mayor Isko Moreno, kasama pati bise alkalde na si Chi Atienza, at iba pang opisyal ng lungsod.
Nanindigan siyang may sapat silang ebidensya para patunayan maging ang pagkakaugnay ni Mayor Domogoso sa isyu.
Iginiit pa ni Lacuna na ilegal ang isinagawang eleksyon na nagtanggal sa kanya mula sa pwesto dahil hindi niya ito awtorisado ng National Liga at Department of Interior and Local Government. (Jocelyn Domenden)