Advertisers
SUGATAN ang pito katao kabilang ang dalawang pulis nang pagtatagain ng isang lalaking nag-amok na kanilang nirespondehan sa Barangay Ulat, Silang, Cavite.
Bago ang insidente, nakatanggap ng sumbong ang Silang Police hinggil sa isang lalaking nag-aamok, nananaga ng mga nakakasalubong nito sa nasabing lugar.
Ilan sa mga biktima ay kinilalang sina alyas Ailene, nasa hustong gulang; Angelica, 20 anyos; alyas Raymond; at alyas Amalia, 60, na mga naglalakad patungo sa basketball court upang kumuha ng ayuda nang biglang lumabas si alyas Ronnie mula sa ilalim ng tulay na armado ng itak at winasiwas ng taga ang mga biktima.
Sa pagresponde ng Silang Police, nanlaban ang lalaki, pinagbabato ang mga pulis at hinalihaw ng taga kungsaan nahagip ang mga ito kaya’t napilitang barilin ng kasamang pulis ang salarin na tinamaan sa kamay at paa.
Itinakbo ang mga biktima sa ospital, habang ang salarin ay pinagamot din at nakatakdang sampahan ng kaso.