Advertisers

Advertisers

Quezon City, hindi paraiso ng mga kriminal

0 284

Advertisers

Quezon City, hindi paraiso ng mga kriminal

Nanguna “top one “ para sa taong 2025 ang Quezon City Police District (QCPD) sa kampanya ng PNP National Capital Regional Office (NCRPO) laban sa panghuhuli sa most wanted person – criminals, na gumagala sa Metro Manila.

Inungusan ng QCPD sa pamumuno ni PCol. Randy Glenn Silvio bilang District Director, ang apat na distrito ng pulisya sa NCR – Manila Police District (MPD); Southern Police District (SPD); Northern Police District (NPD) at Eastern Police District (EPD), sa panghuhuli at pagpapakarsel sa mga kriminal na may warrant of arrest.

Sa matagumpay na kampanyang ito ng QCPD, pinatunayan lamang ni Col. Silvio na ang distrito ng pulisya na ipinagkatiwala sa kanya ay hindi paraiso ng mga wanted person o kriminal. Kung baga, para bang sinasabi ni Col. Silvio sampu ng bumubuo sa QCPD na walang puwang ang mga kriminal sa lungsod.

Ano pa man, naging hamon din sa QCPD ang lawak at sikip ng Quezon City, na nagiging taguan din ng mga indibidwal na may atraso sa batas. Ngunit bunga ng tiyaga, sipag at iba’t ibang sa estrahiya ng QCPD sa pagsugpo ng kriminalidad sa lungsod, napatunayan na sa pagpasok ng taong 2026, isang malinaw na babala o mensahe ang ipinapaabot ni Col. Silvio o ng QCPD – tapos na ang maliligayang araw ng mga nagtatago sa batas.

Ano ba ang naging sikreto ng QCPD upang maging matagumpay ang panghuhuli sa mga MWP? Ang sikreto o open secret ni Col. Silvio ay ang pag-implementa ng “ Warrant Day”.

Sa ilalim ng pamumuno ni Col. Silvio, ang tagumpay ng inisyatibong “Warrant Day” ay hindi lamang usapin ng mga numero. Ang pag-akyat ng bilang ng mga nadakip mula sa 3,042 noong 2024 tungo sa 3,665 nitong 2025 ay patunay na ang “Kyusi” ay unti-unti nang nililinis mula sa mga elementong banta sa seguridad ng publiko.

Ang pagdagdag ng mahigit 600 na arestado sa loob ng isang taon ay indikasyon na ang sistemang itinatag nina PLt. Gen. Jose Melencio Nartatez, Jr. at PMGen. Anthony A. Aberin ay hindi lamang mabulaklak na polisiya, kundi isang epektibong pader laban sa kriminalidad.

Walang Ligtas na Sulok – Ang konsepto ng “Warrant Day” tuwing Biyernes ay isang matalinong estratehiya. Sa halip na maghintay lamang ng pagkakataon, ang mga pulis mismo ang kakatok sa pinto ng mga wanted. Ipinapakita nito na ang QCPD ay hindi na lamang reaktibo; sila na ngayon ay agresibo at proaktibo. Sa bawat warrant na matagumpay na naisisilbi, nababawasan ang kumpiyansa ng mga kriminal na kaya nilang makalusot sa kuko ng batas.

Hindi na basta-basta makakapagtago sa mga eskinita ng Batasan, sa mga matatayog na gusali ng Cubao, o sa mga liblib na bahagi ng Novaliches ang sinumang may sala. Ang mensahe ay simple: Ang Quezon City ay hindi kanlungan ng mga kriminal.

Higit sa Pagpapatupad ng Batas – Ngunit ang tunay na lakas ng kampanyang ito ay hindi lamang nagmumula sa armas at lencana ng mga pulis, kundi sa pakikipagtulungan ng mga “QCitizens.” Ang panawagan ni PCol. Silvio na gamitin ang E911 at QC Helpline 122 ay isang paalala na ang seguridad ay responsibilidad nating lahat. Kapag ang komunidad ay nagsimulang magsalita at tumangging maging protektor ng mga wanted, doon tuluyang guguho ang kuta ng kriminalidad.

Hamon sa Hinaharap – Bagama’t kapuri-puri ang dagdag na 623 arrests na ito, hindi dapat maging kampante ang distrito. Ang tagumpay na ito ay dapat magsilbing gasolina upang mas lalo pang paigtingin ang pagbabantay. Hangga’t may isang wanted person na malayang nakagagala, hindi pa tapos ang laban.

Gayunpaman, sa kasalukuyang takbo ng operasyon ng QCPD, isang bagay ang tiyak: ang Quezon City ay naging isang mas maliit at mas mapanganib na lugar para sa mga lumalabag sa batas—at iyan ay isang malaking panalo para sa bawat mamamayang nagnanais ng kapayapaan.

Iyan ang QCPD, gagawin ang lahat upang hindi maging paraiso ng mga wanted person o kriminal ang lungsod. Bakit? Para sa seguridad ng milyong QCitizen.