Advertisers
TAHIMIK ngunit epektib. Walang drama, ingay, at angas na kumilos ang Kilusang “Risa Na” sa paglulunsad ng kandidatura ni Risa Hontiveros sa halalang pampanguluhan sa 2028. Malayo ito sa nangyari noong bago ang halalan ng 2022 kung saan inabot ng isang taon bago nagpasya si Leni Robredo kung tatakbo o hindi sa 2022.
May dalawang taon pa ang halalan, ngunit minarapat ng Lapiang Akbayan, Magdalo, at iba pang grupo na nakapaloob sa demokratikong puwersa na kumilos ng maaga at mag-organisa bilang paghahanda sa halalan ng 2028. Habang nagkakagulo sa Senado at nagpapakita ng sintomas ng kabaliwan si Alan Peter Cawatano, walang ingay na inilunsad ang ilang tsapter ng Kilusang Risa Na sa Kabisayaan at Mindanao.
Ito ang mga bahagi ng bansa na mahirap marating sa sandaling uminit ang kampanya. Habang mistulang palengkera na nagtatalak si Cawatano hinggil sa isyu ng liderato ng Senado, minabuti ng kilusan na tahimik na itayo ang mga tsapter na maghahanda, gigiya, at kikilos upang buuin ang kampanya para kay Risa. Hindi ito nangyari noong 2022.
Dahil nagpakipot si Leni kung tatakbo o hindi sa halalan at kumilos lang ang kampanya niya sa huling anim na buwan, walang sapat na paghahanda ang demokratikong puwersa sa halalan. Magaan na nanalo ang Unity Team ni BBM at Misfit Sara.
Walang party building, bahagya ang party recruitment at walang party education, limitado ang fundraising, at kinulang ang pagkilos sa ibang bahagi ng bansa lalo na sa Mindanao at Hilaga kung saan natambakan ang tiket ni Leni at Kiko. Maraming aral ang halalan ng 2022 at ayaw ng Akbayan, Magdalo, at iba pa sa demokratikong puwersa na maulit ito.
Hindi naging estratehiya ang pakipot politics ni Leni. Walang taktika sa ibaba habang pahele-hele si Leni. Walang pagkilos at paghahanda. Kinulang ang organisasyon ng demokratikong puwersa. Hindi na ito muling mangyayari, pangako ng Kilusang Risa Na.
***
HABANG binubuo ang kilusan para kay Risa at bumalong ito bilang isang matinding daluyong sa pulitika ng bansa, patuloy na dumadaloy ang paglilitis kontra kay Gongdi at anak na si Misfit Sara sa magkahiwalay na proseso ng katarungan.
Sa International Criminal Court (ICC), kung saan nakaharap si Gongdi sa sakdal na crimes against humanity kaugnay sa humigit kumulang sa 30,000 katao a pinuksa sa madugo pero palpak ng war on drugs niya noong siya ang pangulo, hinabi ng ICC ang sistema at direksyon kung paano lilitisin si Gongdi. Kasalukuyang nakapiit ang maangas na dating pangulo sa kulungan ng ICC sa Scheveningen, Olanda.
Nilinaw ng ICC Trial Chamber III noong Biyernes ang pagdaloy ang proseso – pagpiprisinta ng mga ebidensya, paunang salita, testimonya ng mga saksi, ibang pang mga procedure sa paglilitis. Mag-uumpisa ang paglilitis ni Gongdi sa ika-30 ng Nobyembre, ngunit itinakda ng Trial Chamber III sa mga taga-usig (prosekusyon) ang ika-31 ng Agosto bilang huling araw ng pagsusumite ng detalyadong trial plan, talaan ng mga ebidensya at saksi at iba pa.
Inihayag ng Prosecution Team ang kanilang plano na iharap ang 60 – 70 saksi sa trial at kasama sa kanila ang 30 saksi na magsisilbing “insider witness.” Walang state witness sa ICC trial, ngunit mapakiwari na mga dating kasama at kakampi ni Gongdi ang 30 insider witness. Hindi inilabas ng Trial Chamber ang pangalan ng mga insider witness.
Binigyan ng Trial Chamber III ang defense ni Gongdi ng ika-30 ng Oktubre upang isumite ang kanilang argumento sa paglilitis. Nilinaw ng ICC na maaaring may ilabas ang defense team ng mga bagong katwiran sa ICC. Binigyan ng anim na oras ang prosekusyon upang ihayag ang kanilang argumento sa pagbubukas ng paglilitis. May tatlong oras ang kampo ng defense upang ibigay ang kanilang sagot.
Ngayon, inaalam ng ICC kung may sapat na kakayahan si Gongdi na harapin ang sakdal laban sa kanya. Inaalam ang estado ng kanyang kalusugan. Inaasahan na magiging mabilis ang paglilitis at maaaring matapos ito sa loob ng isa o dalawang taon.
***
SAMANTALA, tuloy-tuloy na rin ang paglilitis ni Misfit Sara sa Senate impeachment court. Nagkaroon ng pretrial meeting ang dalawang panig noong nakaraang Miyerkoles. Pagkatapos ng pulong, bumalong ang maraming fake news kung saan ipinalabas ng kampo ni Misfit Sara na “kinain ng buo” ng kanyang mga abogado ang Prosecution Team mula sa Camara de Representantes at private prosecutor sa pangunguna ni Lorna Kapunan, isang beteranang manananggol.
“Walang katotohanan ang mga balita mula sa kanilang kampo. Wala silang kakayahan na kainin kami ng buo. Ang totoo ay nasa amin ang mga ebidensya at hindi sila mapapasubalian ang mga iyan sa paglilitis,” ani Kapunan. Tinawan ni Kin. Jinky Luistro, hepe ng Prosecution Team, ang mga balita na walang basehan umano.
Matatauhan sila sa sandaling, iprisinta namim ang mga ebidensya, ani Luistro. Ang mga ebidensya ang magsasalita at alam namin na wala silang isasagot, aniya. Nabubuhay sa fake news ang kampo ni Misfit, ani Kapunan.