Advertisers
Inihayag ni Francisco “Isko” Moreno Domagoso, na 13 batang pasyente ang makatatanggap ng panibagong tulong-pinansyal mula sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila para sa kanilang life-saving treatments sa Philippine Heart Center, Chinese General Hospital, at sa mga pasilidad medikal sa India nitong Biyernes, Pebrero 20.
Sa kabuuang bilang, walong bata ang nakatakdang sumailalim sa liver transplant sa India, apat ang ooperahan sa puso sa Philippine Heart Center, at isa ang sasailalim sa operasyon para sa malalang kondisyon sa bato sa Chinese General Hospital.
Ayon sa alkalde, naglaan ang lungsod ng P13,321,629.80 para sa walong liver transplant cases, P3,323,311.50 para sa apat na heart operations, at P173,616.19 para sa kidney procedure, na may kabuuang halagang P16,818,557.49.
Sa kanyang “Talk to the Patients,” personal na kinausap ni Moreno ang mga pamilya ng mga benepisyaryo.
“Pagkatapos nito, una, magpasalamat kayo sa Diyos, ha? Magsimba kayo. Tapos, kung ’di man kalabisan, magpasalamat din kayo sa taxpayer ng Manila. Dahil sa kanila, nagagawa namin ’to. We’ll do our best, bagama’t gipit na gipit kami bilang siyudad. Kaya lamang, buhay ng mga anak ninyo ’yung nakasalalay, eh,” ani ng alkalde.
Ipinaliwanag din niya na direktang ide-deposito ang mga tseke sa mga ospital sa India, sa Heart Center, at sa Chinese General Hospital para sa gastusin ng mga bata, ngunit hinikayat ang mga magulang na kunan ito ng larawan bilang patunay ng bayad mula sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila.
Para naman sa mga pasyenteng tutungo sa India, pinayuhan ni Moreno ang mga pamilya na itabi ang kanilang personal na ipon para sa mga pangangailangan matapos ang operasyon, at unahin ang transplant.
“’Yung naipon ninyo, ’wag ninyo nang gastusin. Importante ’yung operation, ’yung transplant, oh, maiayos,” dagdag ni Domagoso.
Tiniyak din ni Isko na patuloy na aalalayan ng lungsod ang mga pamilya sa kabila ng kinahaharap na limitasyon sa pondo.
“Ang susunod ninyong kakailanganin, si Jesus na. ’Yung pinakamalaki ninyong problema sa lupa, which is pera at sinagot na ng taxpayer ng Manila. The next time around, you, I, and many (including you) should continue to pray. Magdasal kayo na maging ligtas ’yung transplant, ’yung operation ng mga anak at apo ninyo. May awa ang Diyos, ’wag kayong mawawalan ng pag-asa,” pagwawakas ni Isko.(BP)