Isko nag-anunsyo ng tulong-pinansyal para sa 13 batang pasyente para sa liver transplants, heart at kidney operations
Advertisers
Makakatanggap ng tulong-pinansyal ang 13 tatlong pasyente mula sa pamahalaang lungsod ng Maynila para sa kanilang gamutan sa Philippine Heart Center, Chinese General Hospital, at ilang pasilidad sa India ayon sa anunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso nitong Biyernes,Pebrero 20.
Kabilang sa mga benepisyaryo ang walong bata para sa liver transplants sa India, apat na sasailalim sa heart operations sa Philippine Heart Center, at isang pasyente para sa operasyon sa chronic kidney condition sa Chinese General Hospital.
Sinabi ng Alkalde na naglaan ang pamahalaang lungsod ng P13,321,629.80 para sa walong liver transplant cases, P3,323,311.50 para sa apat na heart operations, at P173,616.19 para sa kidney procedure, na may kabuuang tulong na P16,818,557.49.
Sa kanyang “Talk to the Patients,” sinabi ni Domagoso sa mga pamilya: “Pagkatapos nito, una, magpasalamat kayo sa Diyos, ha? Magsimba kayo. Tapos, kung ’di man kalabisan, magpasalamat din kayo sa taxpayer ng Manila. Dahil sa kanila, nagagawa namin ’to. Bagama’t gipit na gipit kami bilang siyudad, ginagawa namin ang lahat dahil buhay ng mga anak niyo ang nakasalalay.”
Pinaalalahanan niya ang mga pamilya na ang mga tseke ay idedeposito sa India, Heart Center, at Chinese General Hospital, ngunit binigyan sila ng kopya bilang patunay ng bayad mula sa gobyerno ng Maynila.
Para sa mga pasyenteng pupunta sa India, hinimok ng alkalde ang mga pamilya na itabi ang kanilang ipon para sa post-operation needs at unahin ang operasyon.
“‘Yung naipon niyo, ’wag niyo nang gastusin. Importante ’yung operation, ’yung transplant, oh, maiayos,” ani ni Domagoso.
Tiniyak din niya na patuloy na susuportahan ng pamahalaang lungsod ang mga pamilya kahit na may fiscal constraints.
“Ang pinakamalaking problema sa lupa — pera — ay sinagot na ng taxpayer ng Manila. Ang susunod na kakailanganin niyo, si Jesus na. Magdasal kayo na maging ligtas ang transplant at operasyon ng mga anak at apo ninyo. May awa ang Diyos, ’wag kayong mawawalan ng pag-asa,” dagdag pa niya. (Jocelyn Domenden)