Advertisers
TINITINGNAN ng Pasay City Police ang anggulo na dahil sa malaking utang kaya pinaslang at pinagtsa-chop-chop ang isang Chinese national na inilagay sa isang drum na natagpuan sa Binondo, Maynila.
Ayon kay Pasay City Police chief Colonel Joselito de Sesto, lumabas sa kanilang paunang imbestigasyon na may utang ang biktima sa Chinese national na mastermind ng brutal na “drum murder” case.
Dagdag pa niya, parehas sa online scamming ang trabaho ng suspek at biktima, batay narin sa salaysay ng live-in partner ng biktima na isang Pinay.
Pebrero 19 nang madakip ang Chinese national sa isang casino sa Seaside Boulevard sa Parañaque City.
Naaresto ang suspek sa sunod-sunod na follow-up operations, sa tulong ng live-in partner ng suspek, at koordinasyon sa hotel management na nagbigay ng mahahalagang impormasyon sa kanyang kinaroroonan.
Sabi ni De Sesto, matalik na magkaibigan ang dalawa kungsaan nakatira pa ang suspek sa condominium ng biktima sa Roxas Boulevard, Pasay City.
Isang lagari at malaking kutsilyo ang ginamit sa biktima bago ilagay sa drum at nilagyan pa ng kimchi sauce.
Una nang naaresto ng mga awtoridad ang kasabwat na Chinese national.
Sa ngayon, wala pang pahayag ang dalawang suspek na sumailalim na sa medical examination bago iharap sa piskalya para sa inquest proceedings.
Samantala, naglabas ng Official Statement of Clarification ang Taipei Economic and Cultural Office (TECO) in the Philippines kaugnay ng mga ulat hinggil sa pag-aresto ng Pasay City Police Station sa tinaguriang “drum murder case.”
Ayon sa TECO, matapos lumabas sa ilang ulat na Taiwanese ang suspek, agad nilang isinagawa ang verification procedures.
Sa pagsusuri ng pasaporte na ipinakita ng suspek, nakumpirma ng opisina na isa itong forged Taiwanese passport.
Personal na bumisita ang isang TECO Officer upang magsagawa ng consular verification.
Sa panayam, nabigo ang suspek na magbigay ng valid Taiwan national identification number at umamin na isa siyang Chinese national.
Inamin din ng suspek na nabili niya ang pekeng pasaporte sa pamamagitan ng Telegram application.
Binigyang-diin ng Gobyerno ng Taiwan na iginagalang nito ang judicial process ng Republika ng Pilipinas at patuloy na makikipagtulungan sa mga awtoridad sa bansa, lalo na sa mga kasong may kinalaman sa document fraud at transnational crime. (Mark Obleada)