Advertisers
Inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang pagpapalabas ng P66.8 milyon para sa clothing allowance ng mga empleyado ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, at tiniyak na matatanggap na ngayong linggo ang naantalang sahod ng mga health worker.
Sa flag-raising ceremony noong Lunes, Pebrero 23, sinabi ng alkalde na aabot sa P66,821,000 ang inilabas para sa mahigit 9,000 kawani ng lungsod. Kabilang dito ang 8,543 regular na empleyado na tatanggap ng tig-₱7,000 cash bilang kanilang 2026 clothing allowance.
“Imbes na ibili ko kayo ng bagong uniporme, pinabuti ng inyong lingkod na ibigay na lang sa inyo nang cash ‘yung P7,000,” ani Moreno.
Inihayag din ng alkalde na babayaran na ang 1,063 empleyado na hindi nakatanggap ng kanilang clothing allowance mula 2021 hanggang 2025. Ayon sa kanya, 10 ang hindi nabigyan noong 2021; 62 noong 2022; 131 noong 2023; 181 noong 2024; at 679 noong 2025.
Ayon kay Moreno, ilalabas ang natitirang payroll para sa clothing allowance mula Pebrero 24 hanggang 27. Mas pinili umano niyang gawing cash ang benepisyo upang magkaroon ng kaluwagan ang mga empleyado sa kanilang gastusin sa bahay.
Samantala, tiniyak din ng alkalde sa mga Job Order (JO) at Contract of Service (COS) personnel ng Manila Health Department at mga ospital ng lungsod na matatanggap na nila ngayong linggo ang kanilang naantalang sahod para sa Enero 1–31, 2026.
Ipinaliwanag niya na nagkaroon ng pagkaantala dahil sa paglipat ng charging ng sahod mula sa General Fund patungo sa Special Health Fund o Trust Fund ng lungsod.
“Rest assured, this week may sweldo na kayo. Nagkadelay-delay sila dahil lang sa papeles at charging. ‘Yun lang ‘yun, nothing more, nothing less,” aniya.
Sakop ng payroll ang mga kawani mula sa Manila Health Department at mga ospital ng lungsod tulad ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Tondo, Justice Jose Abad Santos General Hospital, Ospital ng Sampaloc, Sta. Ana Hospital, Ospital ng Maynila Medical Center, at President Corazon C. Aquino General Hospital.
Binigyang-diin ni Moreno na ang mga hakbang pinansyal ng administrasyon mula Enero, layuning tiyakin ang maayos at legal na paglalaan ng pondo upang magkaroon ng kapanatagan ang mga empleyado.
“Hindi po perpekto ang inyong lingkod. Hindi po perpekto ang gobyerno ng Maynila. Ngunit pipilitin ko laging maging mahinahon, masinop, at episyente na makapaglingkod sa ating kapwa,” pahayag ni Mayor Isko.(BP)