Advertisers

Advertisers

TATLONG KAGANAPAN

0 74

Advertisers

MAY tatlong napipintong development (o kaganapan) ang ganap na kukuha ng atensyon ng publiko: una, ang paglilitis ni Gongdi sa International Criminal Court (ICC); pangalawa, ang paggulong ng impeachment complaint laban kay Misfit Sara; at pangatlo, ang namumuong bagong alyansa sa pagitan ng mga demokratikong puwersa na dikit kay Leni at BBM.

Hindi nalalayo sa tatlong kaganapan ang pagsulong ng mga sakdal laban sa tatlong senador, ilang mambabatas, kontratista, at dating opisyales ng DPWH na pawang sangkot sa bilyong piso iskandalo sa flood control program ng gobyerno. Pansamantalang bumagal ang proseso pero hindi nangangahulugan na wala na ito.

Matining ang sigaw ng sambayanan na “ikulong ang mga kurakot” kaya hindi pa tapos ang isyu kay Tricky Tsis, Joel Villanueva, at Jinggoy Estrada na pinaniniwalaan na nagkamal ng daan-daang milyon piso na dinambong sa pondo ng flood control. May pangamba na madadamay si BBM kung hindi susulong ang sakdal laban sa kanila. Isa-isahin natin.

Ngayon Lunes, uumpisahan ang confirmation of charges laban kay Gongdi na kasalukuyang nakapiit sa isang prison facility ng ICC sa Olandiya. Nahaharap si Gongdi sa sakdal na crimes against humanity sa ICC dahil sa iniutos niya ang malawakang pagpaslang ng libu-libong katao batay sa hinala na mga adik at tulak sila na bawal na gamot.

Tatagal ng apat na araw ang proseso. Mag-uumpisa ito sa Lunes, Peb. 23; itutuloy sa Martes, Peb. 24; magpapahinga sa Miyerkoles; at itutuloy sa Huwebes, Peb 26, at matatapos sa Biyernes, Peb. 27. Ihaharap ng Prosecution Panel ang mga ebidensya laban kay Gongdi at kasama na diyan ang sinumpaang salaysay ng mga kaanak ng mga pinaslang.

Ihaharap ng Defense Team sa pangunguna ni Nicholas Kaufman, ang Israeli-British na abogado na kinontrata ng pamilya ni Gongdi na ipagtanggol siya sa ICC. Hindi pa malaman kung ano ang mga hinaharap bilang ebidensya bagaman walang petisyon si Kaufman na pinagbigyan ng ICC. Tanging ang hindi pagharap ni Gongdi ang pinaunlakan ng ICC.

Apat na impeachment complaint na ang naisumite ng iba’t ibang grupo sa Kapulungan ng mga Kinatawan (House of Representatives) at malayang tinanggap ni Cheloy Garafil, secretary-general ng Kapulungan ang mga impeachment complaint. Kilalanin ang mga ito sa plenaryo at inaasahan na uumpisahan agad ang pagtalakay sa kanila sa House Committee on Justice na pinamumunuan ni Kin. Gerville Luistro ng Batangas.

Maraming scenario ang lumutang na maaaring mangyari sa komite ni Luistro. Kasama na diyan ang labis na pinangangambahan ni Misfit Sara – ang maungkat ang kanyang mga bank account. Tinalakay ni Kin. Paolo Ortega V ng La Union ang maaaring pagbusisi ng komite ni Luistro sa bank records ni Misfit Sara.

Para kay Kin. Benny Abante ng Maynila, hindi niya nakikita na mahihirapan ang Kapulungan sa pagtalakay sa mga impeachment complaint laban kay Misfit Sara. May sapat na bilang ang Kapulungan upang pandayin ang Articles of Impeachment laban sa pangalwang pangulo.

May pagtaya na matatapos ito sa tag-init at maaaring magsimula sa Mayo o Hunyo ang paglilitis ng Senado kay Misfit Sara. Dahil may mga nakaambang sakdal kina Tricky Tsis, Joel, at Jinggoy, nakikita namin na magkakaroon ng sapat na boto upang alisin si Misfit Sara sa kanyang puwesto. Hindi na siya makatakbo bilang pangulo sa 2028.

Samantala, maugong ang napipintong pag-alyansa ng mga puwersa ni BBM at Leni at ito ang labis na pinangangambahan ng puwersang sumusuporta kay Leni. Pero mas nakikita namin na ang mensahe ay para sa China at ang mga pangunahing mangangalakal ng bansa. Para sa Peking, isa lang ang kalatas: huwag kayong makialam sa pulitika ng bansa at huwag ninyong suportahan si Misfit Sara.

Para kina Ramon Ang, pamilya Sy ng SM, Ricky Razon, at mga Villar, may alas na baraha si BBM kaya huwag ninyong suportahan si Misfit Leni. Ganyan kasimple. Marami pang mangyayari at manmanan na lang natin ang ating bayan.