ISKO, INIHARAP SA DOF ANG 7-STOREY BAGONG OSPITAL NG TONDO NA MAS MALAKING GINHAWA PARA SA MANILEÑO!
Advertisers
Ipinrisinta ni Manila Mayor Isko Moreno kay Frederick Go ang kongkretong plano para sa itatayong 7-storey na modernong Ospital ng Tondo, at binigyang-diin ang malaking ginhawa at mas maayos na serbisyong medikal na matatamo ng mga residente sa oras na maitayo ang bagong pasilidad.
Ayon kay Yorme, ang bagong tahanan ng Ospital ng Tondo, na dating kilala bilang Emmanuel Hospital, ang magbibigay ng mas malawak, mas moderno, at mas kumpletong serbisyong pangkalusugan para sa mga taga-Tondo at karatig-lugar.
Idiniin ni Isko na hindi lamang ito simpleng pagpapatayo ng gusali, kundi isang hakbang para tiyakin ang mas mabilis na gamutan, mas maayos na pasilidad, at mas dignidad na pag-aalaga sa mga pasyente.
Binili ng Pamahalaang Lungsod ang lote sa Abad Santos Avenue na pag-aari ng estado upang maging permanenteng lokasyon ng ospital.
Popondohan ang proyekto sa pamamagitan ng pinagsamang pondo mula sa lokal at pambansang pamahalaan, na patunay ng pagtutulungan upang maiangat ang serbisyong pangkalusugan sa Maynila.
Sa sandaling makumpleto, inaasahang mas marami pang pasyente ang mabibigyan ng agarang at de-kalidad na serbisyong medikal, habang mababawasan ang siksikan at limitasyon sa kasalukuyang pasilidad.
Para kay Moreno, bahagi ang modernisasyon ng Ospital ng Tondo ng mas malawak na layunin na palakasin ang pampublikong serbisyong pangkalusugan at tiyaking hindi napapabayaan ang mga komunidad na higit na nangangailangan.(BP)