Advertisers
NAGKUMAHOG sa pagpanday ng Proposed Resolution No. 307 ang minorya ng Senado matapos mabanggit sa ‘Confirmation of Charges’ laban kay dating Pangulo Rody Duterte sa International Criminal Court (ICC) ang pangalan nina Senador “Bato” Dela Rosa at Bong Go pati ng ilang dating opisyal ng nakaraang administrasyong Duterte bilang co-perpetrators sa kinakaharap na kaso ng dating pangulo na ‘Crimes against humanity’.
Obviously, ang tanging layunin ng naturang resolution aypara proteksiyunan sina Bato, Go, ex-NBI Chief Dante Gierran, ex-Justice Sec. Vitaliano Aguirre, ex-PNP Chiefs Oscay Albayalde at Vicente Danao sa posibleng pag-aresto ng International Police para iharap sa ICC sa The Hague, Netherlands.
Giit ng minorya, na kinabibilangan nina Bato, Go, Joel Villanueva, Jinggoy Estrada, Imee Marcos, magkapatid na Alan at Pia Cayetano, Rodante Marcoleta, Robin Padilla at Chiz Escudero, hangad nila kuno protektahan ang lahat ng Pilipino at mabigyan ng sapat na panahon para ipaglaban ang sariling karapatan bago sumuko o ma-extradite mula sa Pilipinas.
Anyway, maganda naman ang resolution na ito. Ang tanong: Bakit ngayon lang nila ito naisip? Kasi nanganganib makulong sa The Hague sina Bato at Go tulad ng kanilang “Tatay Digong”.
Sa tingin ko, ‘moot and academic’ na ang resolution na ito, hindi na kailangan pa bigyan ng panahon ng mayorya ng Senado kasi hindi na miembro ng ICC ang Pilipinas.
Hindi narin maililigtas ng naturang resolution sina Bato, Go at ilan pang co-perpetrators sa kaso ni Digong dahil ang krimen nilang nagawa ay nangyari noong panahon na miembro pa ng international court ang Pilipinas.
Wala ring bisa ang naturang resolution dahil hindi naman nito kayang pangibabawan ang batas.
Oo! Kailangan munang maging batas ang naturang resolution. At bago maging batas, kailangan dumaan sa masusing pag-aaral at debate ng mga mambabata sa Kamara at Senado. Alam ito ng minorya dahil karamihan sa kanila ay abogado at trapo, maliban kay Padilla. Hehehe…
Ang ibig kong sabihin, mga pare’t mare, basura ang pinanday na resolution ng minorya ng Senado. Sayang lang ang taxpayers money na ginugol nila rito. Mismo!
***
Nakapasa na sa pagsusuri ng House Committee on Justice ang dalawa sa apat na impeachment complaints laban kay Vice President Sara Duterte-Carpio.
Binasura ang unang impeachment complaint dahil wala itong sustansiya at wala porma, at ang pangalawa naman ay winidro mismo ng mga nagsampa dahil lalabag ito sa one-year bar na pagsasampa ng impeachment, ayon sa desisyon ng Korte Suprema.
Pebrero 6, 2026 nagtapos ang one-year-bar sa impeachment laban kay VP Sara matapos sampahan noong 2025, na hindi umusad nang tulugan noon ng liderato ni Escudero.
Sa pagkapasa ng 2 impeachment complaints sa komite, pagbobotohan ito ng buong miembro ng Kongreso. Kailangan makakuha ito ng 3/4 votes para maiakyat sa Senate Impeachment Court.
Dahil ang impeachment ay isang numbers game, malamang ma-impeach si Sara sa Kamara tulad ng nangyari last year.
At kapag naisyuhan ng ICC arrest warrant sina Bato at Go, at madale sa Plunder sina Jinggoy, Joel at Chiz sa kinakaharap nilang kaso sa flood control scam, at ma-disqualify si Rodante Marcoleta sa kaso niya sa Comelec sa pandaraya sa kanyang SOCE at SALN, anim na boto ang mawawala kay Sara. Impeach siya! Subaybayan!