Advertisers
Sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at lumalalang tensyon sa Middle East, naghain si Rep. Jesus “Bong” C. Suntay (4th District, Quezon City) ng panukalang batas na naglalayong magtatag ng isang National Strategic Fuel Reserve System upang protektahan ang bansa laban sa biglaang kakulangan sa suplay at pagtaas ng presyo ng fuel.
Sa ilalim ng panukala, ang gobyerno ay magtatayo at magpapanatili ng reserbang suplay ng langis na maaaring gamitin sa panahon ng krisis—tulad ng giyera, supply disruptions, o matinding pagtaas ng presyo sa global market.
Ayon kay Suntay, ang fuel reserve ay nagsisilbing “safety net” ng bansa laban sa mga pangyayaring wala tayong kontrol.
“Kapag nagkaroon ng disruption sa global oil supply—tulad ng nangyayari ngayon—ang tanong ay: may sarili ba tayong reserba? Kung wala, diretso tayong apektado. Tataas ang presyo, magkukulang ang supply, at ang mamamayan ang magdurusa,” ani Suntay.
Sa kasalukuyan, umaasa ang Pilipinas sa imported fuel, kaya’t anumang kaguluhan sa global market ay agad na nararamdaman sa lokal na presyo ng gasolina, diesel, at LPG. Ang pagtatatag ng fuel reserve ay magbibigay sa gobyerno ng kakayahang:
• maglabas ng suplay ng langis sa panahon ng kakulangan
• mapigilan ang sobrang pagtaas ng presyo
• siguraduhin ang tuloy-tuloy na operasyon ng transport, agrikultura, at industriya
• maprotektahan ang ekonomiya laban sa global shocks
“Hindi natin kontrolado ang giyera sa ibang bansa, pero kaya nating maghanda. Ang fuel reserve ay paraan para hindi tayo laging reactive—kundi prepared,” dagdag niya.
Bukod sa strategic reserve, kasama rin sa panukala ang Targeted Fuel Relief Program na magbibigay ng agarang tulong sa mga sektor na pinakaapektado ng fuel price increases, tulad ng mga tsuper, magsasaka, mangingisda, at maliliit na negosyo.
“Ito ang kauna-unahang hakbang para magkaroon tayo ng sariling buffer. Sa halip na umasa lang sa global market, nagkakaroon tayo ng kakayahang protektahan ang sarili nating ekonomiya,” ani Suntay.