BOC muling nalagpasan ang target, nakapagtala ng P84.4B noong Marso 2026 para sa pagpapatatag ng bansa
Advertisers
Muling nalampasan ng Bureau of Customs (BOC) ang target nito matapos makapagtala ng ₱84.426 bilyon na koleksyon noong Marso 2026, alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang kita ng gobyerno at pagbutihin ang serbisyo publiko.
Sa paunang datos, nalagpasan ng BOC ang target na ₱83.237 bilyon ng ₱1.190 bilyon o 1.4%. Mas mataas din ito ng ₱4.067 bilyon kumpara sa koleksyon noong Marso 2025, na nagpapakita ng patuloy na pagtaas ng kita ng ahensya.
Ayon kay Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, ang magandang performance ng BOC ay direktang napupunta sa mas maayos na serbisyo, imprastraktura, at mga programang panlipunan. Aniya, bawat pisong nakokolekta ay may konkretong pakinabang para sa publiko.
Kasabay ng gabay ni Finance Secretary Frederick D. Go, patuloy ang BOC sa pagpapatupad ng mga repormang nakatuon sa digitalization, transparency, at ease of doing business upang mas mapabuti ang pangongolekta ng kita at integridad ng operasyon.
Pinuri ni Commissioner Nepomuceno ang lahat ng District Collectors at frontline personnel sa buong bansa. Aniya, ang kanilang dedikasyon at tapat na serbisyo ang nagtulak sa tagumpay na ito. Tiniyak din niyang itutuloy ng BOC ang reporma sa ilalim ng IAM Program para sa mas episyente at makataong serbisyo. (BP)