Advertisers
SWAK sa kulungan ang apat na pulis matapos ang pamamaril sa isang lamay sa Barangay Irawan, Puerto Princesa, Palawan na ikinamatay ng dalawang pulis at isang tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor).
Sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief General Jose Melencio Nartatez, Jr. na sumiklab ang pagtatalo dahil umapaw ang burol sa mga lansangan, na humarang sa trapiko.
“Merong wake and then therefore dapat ‘yung barangay captain or the chief of police ay nagko-coordinate na ‘yan. Mayroong naglalatag ng mga lamesa at kainan dun sa kalsada. Meron bang coordination? Sa tingin ko wala, kasi nga na-occupy na ‘yung kalsada,” ani Nartatez.
Lumala ang insidente nang ang mga rumespondeng pulis, na naiulat na nakasuot ng sibilyan at nasa ilalim ng impluwensya ng alak, ay nakipagsagupaan sa iba pang nasa pinangyarihan.
“Dun na nagsimula. Nabugbog sila, they went to the police station to ask for additional responders from the police station. And may nag-respond nga actually, anim sila. And during ‘yung response na ‘yun, meron nang barilan. So we are thoroughly investigating this,” sabi ni Nartatez.
Kinumpirma niya na dinisarmahan at nakakulong ang apat na pulis na kinilalang sina SSg. Jonah Balangan, Cpl. Renato Bendana, SSg Joseph Ian Carpio, at SSg Micharl Juan.
Nahaharap sa mga kasong administratibo at kriminal ang mga sangkot na pulis.
“Ang tanong, bakit sila naka-civilian attire tuwing Semana Santa, tuwing full alert status? At bakit nakainom? Nagbigay na ako ng utos sa aking mga tauhan na imbestigahan nang lubusan na sa kalaunan ay masasagot ang mga bagay na iyon,” aniya.
“Ang National Bureau of Investigation, ang Regional Director ay inutusang dumalo roon. At nag-usap sila para walang cover-up, walang whitewash sa insidenteng iyon,” aniya.
Tinanggal din sa kanilang mga pwesto ang hepe ng pulisya sa Irawan, Puerto Princesa City at ang provincial director.
Binigyang-diin ni Nartatez ang pangangailangan para sa mahigpit na pagsunod sa mga patakaran, na binanggit na ang mga opisyal na nasa ilalim ng impluwensya ng alak, nasa tungkulin man o nakasuot ng sibilyan, ay nagdudulot ng malubhang panganib.
“Imagine, napakaliit lang na police station. Hindi na nila na-inspect during full alert status, naka-sibilyan. Worse, lasing,” ngitngit ni Nartatez.
Nagpapatuloy ang imbestigasyon sa krimen.