Advertisers
PUMAYAG si US President Donald Trump sa dalawang linggong tigil-putukan sa Iran, wala pang dalawang oras bago ang kanyang itinakdang deadline para muling buksan ng Tehran ang Strait of Hormuz o harapin ang matinding pag-atake sa kanilang civilian infrastructures.
Ang anunsyo ni Trump sa social media ay isang biglaang pagbabago mula sa kanyang naunang pahayag nitong Martes, Abril 7, kung saan nagbanta siya na “isang buong sibilisasyon ang mamamatay ngayong gabi” kung hindi matutugunan ang kanyang mga kahilingan.
Sinabi naman ni Pakistan Prime Minister Shehbaz Sharif, na tumulong para makamit ang tigil-putukan, sa isang post sa X na inimbitahan niya ang mga delegasyon mula sa Iran at US na magpulong sa Islamabad sa Biyernes.
Ayon kay Trump, ang kasunduang nabuo sa huling sandali ay nakadepende sa pagsang-ayon ng Iran na ihinto ang blockade nito sa suplay ng langis at gas sa strait, na karaniwang dinadaanan ng halos ikalimang bahagi ng pandaigdigang suplay ng langis.
Samantala, sinabi ng Foreign Minister ng Iran na si Abbas Araqchi na ititigil ng Tehran ang kanilang mga kontra-atake at magbibigay ng ligtas na daanan sa Strait of Hormuz.
Inilarawan naman ng Supreme National Security Council ng Iran ang kasunduan bilang isang tagumpay laban sa US, na sinasabing tinanggap ni Trump ang mga kondisyon ng Iran para wakasan ang labanan.
Subalit sinabi ni White House Press Secretary Karoline Leavitt na ang kasunduan ay tagumpay ng US dahil sa pagsisikap ni Trump at US military.