Advertisers
IPINAGPALIBAN ng Senate Blue Ribbon Committee ang pagdinig nito sa Abril 14 kaugnay ng mga maanomalyang flood control projects, habang hinihintay ang pormal na pagsusumite ng sinumpaang salaysay mula kay dating Gov. Luis “Chavit” Singson at ang kailangang mga pirma para sa partial committee report.
Ayon kay Senate President Pro Tempore at Blue Ribbon Committee Chairman Panfilo “Ping” M. Lacson, maaari niyang ikonsidera ang muling pagpapatawag ng pagdinig kung makapagsusumite si Singson ng kahit kopya man lamang ng kanyang draft affidavit, at kung may lima pang miyembro ng komite ang lalagda sa partial committee report upang maiprisinta ito sa plenaryo ng Senado.
“The Committee has deemed it necessary to reschedule the public hearing contingent on the mitigation of the current National Energy Emergency and the formal submission of your sworn affidavit, including all pertinent supporting documents. Additionally, the Committee has deferred the resumption of the hearings pending the review and signing of the Partial Committee Report currently before its members,” ani Lacson sa liham kay Singson, kung saan ipinaalam sa kanya ang pagpapaliban ng pagdinig “until further notice.”
“We appreciate your cooperation and will provide updates regarding the new schedule as soon as it is determined,” dagdag niya sa liham.
Sinabi ni Lacson na binigyan ng Blue Ribbon Committee si Singson hanggang Abril 7 para isumite ang kanyang draft affidavit, ngunit wala itong natanggap na tugon.
Aniya, unang ipinadala ang imbitasyon kay Singson sa pamamagitan ng email noong Marso 25. Nang walang naging sagot, nagpadala ang komite ng kopya ng liham ng imbitasyon sa kanyang tirahan noong Abril 6. Ang liham ng pagpapaliban ay ipinadala kay Singson noong Abril 7.
Ipinunto rin ni Lacson na apat pa lamang na miyembro ang lumagda sa partial committee report — kulang ng lima upang maabot ang siyam na lagda na kinakailangan upang makabuo ng mayorya at maiprisinta ito sa plenaryo.
Sinabi ni Lacson na ikinokonsidera niyang maghain ng Chairman’s Report kaugnay ng isyu sa flood control projects at ipasa ito sa Ombudsman, kasama ang mga dokumento, transcript, at iba pang ebidensyang nakalap sa hindi bababa sa pitong pagdinig. (Mylene Alfonso)