Advertisers
NABULABOG na sa wakas ng mga awtoridad ang oil and petroleum smuggling/pilferage operation sa Navotas-Malabon area, ngunit hindi ito nangangahulugang tuluyan ng nalansag ang sindikatong ito na napakatagal ng namamayagpag sa karagatan ng Navotas-Malabon.
Malamang na pansamantalang ipatigil nina alyas Violago, Amang at Aldo ang kanilang operasyon habang sariwa at mainit pa ang isyu. Paglipas ng isyu tiyak na balik at tuloy na ulit ang kanilang operasyon.

Hindi nila maaaring pabayaan na humulagpos sa kanilang mga kamay ang labag sa batas na pagpupuslit at pagpapanakaw ng krudo, gasolina at gas na pinagkakakitaan ng mga mokong na ito hanggang maging mga bilyonaryo.
Mistulang nagpapakulo ng mainit na tubig sa kaserola ang pagkita ng salapi nina Violago, Amang at Aldo at ng iba pang sindikatong nasa likod ng oil and petroleum smuggling, pilferage o buriki/paihi lalo sa panahong ito ng krisis sa petrolyo. Sa halip na sa legal na oil and petroleum outlet napapadeliver ay sa kanilang kuta iniimbak ang mga smuggled at nakulimbat na petrolyo na nabibili sa nakaw at napakababang halaga at saka ibebenta sa namamayaning presyo sa merkado.
Dito nila nakuha ang kanilang kapangyarihang tinatamasa, pagkat di maikakaila na maraming police, military, customs, coastguard, iba pang port officials, local at provincial official at iba pang opisyales ng pamahalaan ang kanilang nabibiyayaan – marami sa kanila ang nasa “blue at black book” ng sindikato.
Ang weekly payroll o intelhencia ang tinitingnang dahilan kung bakit liban sa Navotas-Malabon smuggling at pilferage o buriki/paihi operation ay patuloy at di masugpo ang talamak na operasyon nina Violago, Amang at Aldo sa Brgy. Bancal, Carmona City, Cavite, Mariveles, Bataan at sa ilang mga bayan ng Bulacan.
Ang kinikitang salapi sa iligal na negosyong ito ang gamit ng grupo sa kanilang ambisyong politikal tulad nina alyas Violago at alyas Medic Ferrer na kapwa talunan sa nakaraang May 2025 election. Si alyas Medic Ferrer ang lider ng smuggling at pilferage activity sa Brgy. Guinhawa bayan ng Tuy, Brgy. Banaba West, Batangas City kasosyo sina alyas Egay, Manny at alyas Kernel Lakay aka LtCol. JJ at alyas Balita sa tabi ng Red Sun Beach Resort, Brgy. Simlong sa naturan ding siyudad.
May pasingaw at paihi naman ng Liquefied Petroleum Product (LPG) ang isang alyas Sgt. Mercado na may alyas ding alyas Buny sa bayan ni Ibaan Mayor Jane Casas.
Ipinagduduldulan ng mga lider ng sindikato ang kanilang sarili sa pulitika. Atat na atat silang makapasok at mapagtagumpayan ang paghawak ng elected position pagkat makakakuha nga naman sila ng dagdag na kapangyarihan upang lalo pang maging pader at di matinag ang kanilang ilegal na hanapbuhay. Buti na lang olats sila at di umubra ang milyon-milyong pondo mula sa smuggling at buriki.
Ipinahayag naman nina PNP Chief Jose Melencio Nartatez Jr. at Region 4A PNP Director BGen. Hansel Marantan na kanilang paiigtingin ang kampanya laban sa smuggling, pilferage o buriki/ paihi, illegal gambling at iba pang uri ng kriminalidad.
Tingnan natin kung uubra ang kanilang pahayag at style laban kina Violago, Amang at Aldo sa Carmona, Cavite; alyas Medic Ferrer, Egay, Manny, alyas Kernel Lakay aka LtCol. Jj Cruz, alyas Balita, at alyas Sgt Mercado aka Sgt. Bunny sa bayan ng Tuy, Batangas City at Ibaan town, pawang sa Batangas Province.
Maaaksyunan kaya ito nina Cavite PNP Acting Provincial Director Col Ariel Red at ni Batangas PNP Acting Provincial Director Col. Marlon Rufo na may kinakaharap na problema sa NAPOLCOM? Subaybayan…
***
Para sa komento: Cp.# 0966 406 6144