Advertisers

Advertisers

P2.2-B COA audit findings nagdulot ng pagdududa sa liderato sa BARMM education sector

0 2

Advertisers

QUEZON CITY – Ang mga natuklasan ng Commission on Audit (COA) hinggil sa pamamahala ng mahigit P2.2 bilyong pondo para sa edukasyon sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ay nagpaigting sa pagsusuri hindi lamang sa mga proseso kundi pati sa pamumuno at pananagutan sa loob ng education ministry ng rehiyon.

Ang mga obserbasyon sa audit na kinasasangkutan ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education ay naglatag ng pattern ng transactions at procurement practices, na ayon sa mga analyst ay nagpapakita ng sistematikong kahinaan sa pangangasiwa.

Ayon sa mga state auditor, kabilang sa mga pinaka-kapansin-pansin ay ang pagpapalabas ng P1.77 billion para sa textbooks, na iniulat na naproseso sa loob lamang ng isang araw—isang bilis na nagdulot ng pangamba kung maayos bang naisagawa ang standard verification at control mechanisms.

Pinuna rin ng COA ang pagpapalabas ng ?449 million sa iisang supplier para sa learning kits, na nag-uudyok ng mga tanong tungkol sa pagiging kompetitibo ng procurement at sa mga pananggalang laban sa konsentrasyon ng mga kontrata.

Ayon sa COA, bukod dito, kabuuang 73 disbursement vouchers ang prinoseso na may limitadong documentation, na nagpapakita ng mga kakulangan sa internal controls at sa mga compliance requirements na layong tiyakin ang transparency sa paggamit ng pampublikong pondo.

Lumitaw rin sa pagsusuri ng COA na 53 kontrata na nagkakahalaga ng halos P2 billion ang apektado ng deficiencies, kabilang ang nawawalang performance securities at mga isyu na may kinalaman sa joint venture representations.

Sa isang kaso na tinukoy ng mga auditor, isang supplier ang nag-deliver ng armchairs, lampas ng 520 araw sa napagkasunduang takdang panahon, kung saan ang mga multa na tinatayang nasa ?16 million ay hindi umano ipinatupad—isang pangyayaring itinuturing ng mga observer na palatandaan ng mahinang pamamahala sa kontrata.

Bagama’t nakatuon ang mga natuklasan sa mga pagkukulang sa proseso, binanggit ng mga government auditor na ang lawak at paulit-ulit na paglitaw ng mga ganitong isyu ay nagpapahiwatig ng mas malawak na institusyonal na hamon na umaabot sa pananagutan ng pamumuno.

Ang audit ay nagbigay-pansin sa papel ng pamunuan ng MBHTE sa ilalim ni Minister Mohagher Iqbal, habang lumilitaw ang mga tanong kung paano ipinatupad at minonitor ang mga sistema ng pangangasiwa sa panahong saklaw ng pag-aaral.

Ang sitwasyon ay kaugnay rin ng naunang mga alalahanin na inihain ng
Second Congressional Commission on Education hinggil sa patuloy na mga kakulangan sa sektor ng edukasyon sa BARMM.

Inirekomemda ng COA ang mas mahigpit na pagsunod sa mga batas sa procurement, mas maayos na dokumentasyon, at pinatibay na internal controls—mga hakbang na ayon sa mga observer ay mangangailangan hindi lamang ng mga pagbabago sa administrasyon kundi ng tuloy-tuloy na direksiyon mula sa pamunuan.

Habang sinusuri ng mga opisyal ng BARMM ang mga natuklasan sa audit, inaasahang susubukin ng isyung ito ang balangkas ng pamamahala ng rehiyon, partikular kung paano ipinatutupad ang pananagutan sa mas mataas na antas ng paggawa ng desisyon.