Advertisers
KINUMPIRMA ng Department of Migrant Workers (DMW) na maraming overseas Filipino workers (OFWs) ang nawalan ng trabaho dahil sa giyera sa Gitnang Silangan.
Sa isang press briefing nitong Biyernes, Abril 17, inihayag ni DMW Undersecretary Jainal Rasul Jr. na ilan sa mga OFW ay permanenteng nawalan ng trabaho habang may iba namang pansamantalang natigil ang trabaho.
Bunsod nito, nagpaabot ang ahensiya ng tulong sa mga apektadong overseas workers at ginawang mas simple ang paraan ng aplikasyon para makakuha ng tulong pinansiyal na nagkakahalaga ng $200 o katumbas ng P12,100, na magmumula sa AKSYON Fund ng ahensiya.
Para makapag-avail ng naturang cash aid, kailangan lamang magsumite ng mga apektadong OFWs ng kanilang request for assistance form, kopiya ng pasaporte, patunay ng overseas employment gaya ng kontrata, visa, labor card gayundin ang patunay na nawalan ng trabaho o work disruption tulad ng certification mula sa employer, payslip, notice of termination, visa cancellation kung meron, self declaration ng apektadong OFWs, certification ng Filipino community, at iba pa.
Samantala, iniulat naman ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na umabot na sa kabuuang 6,706 ang na-repatriate kung saan 5,023 dito ay mga OFW habang 1,343 ay kanilang dependents, mayroon ding 340 turista at ibang overseas Filipinos.
Pinakamalaking bilang ng mga na-repatriate ay mula sa Dubai, sinundan ng arrivals mula Kuwait, Abu Dhabi, Qatar, Bahrain, Riyadh, Al Khobar, Israel, Jeddah at Oman.
Liban dito, mayroon pang mga OFW mula Middle East ang inaasahang darating sa bansa ngayong Sabado at sa susunod na linggo.