Advertisers

Advertisers

Driver at kumpanya ng bus na nahulog sa bangin binigyan ng show cause order

0 9

Advertisers

Naglabas ng show cause order ang Land Transportation Office (LTO) Calabarzon sa pangunguna ni Regional Director Elmer J. Decena, laban sa driver at operator ng isang pampasaherong bus na DLTB Company na nahulog sa bangin sa Barangay Silangang Malicboy, Pagbilao, Quezon Lunes ng gabi, April 20, 2026.
Ayon sa ulat, galing sa Daet, Bicol ang bus nang makaranas umano ito ng mechanical malfunction habang papaliko sa kalsada, dahilan upang mawalan ng kontrol ang driver at tuluyang bumulusok sa bangin. Dalawang pasahero ang nasawi habang 38 ang sugatan sa insidente.
Bilang paunang hakbang, pansamantalang sinuspinde ng LTO ang lisensya ng driver ng bus sa loob ng 90 araw habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Inatasan din itong isurrender ang kaniyang lisensya sa itinakdang pagdinig. Samantala, isinailalim naman sa alarm status ang naturang bus upang maiwasan ang paggamit, pagbebenta, o paglilipat ng pagmamay-ari nito nang walang pahintulot ng LTO.
Nagbabala naman sa publiko si LTO Calabarzon Regional Director Elmer J. Decena na hindi kukunsintihin ng ahensya ang anumang uri ng iresponsableng pagmamaneho na naglalagay sa panganib sa buhay ng publiko.
Patuloy naman ang koordinasyon ng LTO sa Philippine National Police at iba pang ahensya upang matiyak ang mabilis at patas na imbestigasyon.(Koi Laura)