Advertisers
INIULAT ng Philippine National Police Academy (PNPA) ang panibagong hazing incident sa loob ng kampus na kinasasangkutan ng mga kadete, ilang araw matapos ang hiwalay na insidente na ikinasugat ng mahigit 20 fourth class cadets.
Ayon kay PNPA acting director Brigadier General Redrico Maranan, nadiskubre ang pinakahuling insidente Abril 19, 2026.
Dalawang kadete ang nagtamo ng mga pasa sa paa nang hampasin ng dalawang upperclassmen.
Sinabi ni Maranan na nasa kustodiya na ang dalawang kadete na sangkot, habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Nauna rito, mahigit 20 fourth class cadets ang nasugatan sa hazing incident noong Abril 3. Ayon sa Philippine National Police (PNP), nagtamo ang mga biktima ng paso at iba pang pinsala matapos malantad sa halo ng drain cleaner at muriatic acid.
Tatlong suspek ang unang inaresto habang apat pa ang kalaunang natukoy.
Dahil sa insidente noong Abril 3, sinibak sa puwesto ang PNPA director at walong iba pang opisyal.
Sinabi rin ng PNP nitong Miyerkules na nagsampa na ng kasong kriminal laban sa pitong PNPA cadets at dalawang police officers kaugnay ng naunang hazing case.
Batay sa paunang imbestigasyon, nag-ugat ang hazing Abril 3 sa internal issue na may kinalaman sa isang cadet na nais magbitiw, kungsaan pinarusahan ang mga underclassmen matapos sisihin sa nangyari.
(Boy Celario)