Advertisers
By Mercy Lejarde
Bonggang kasiyahan ang hatid ng aktor na si Coco Martin sa kanyang mga tagahanga dahil muli siyang mapapanood gabi-gabi sa telebisyon kasama ang Prime Actress na si Julia Montes sa inaabangang seryeng “Coco Martin’s Sigabo,” na magsisimula sa June 22 (Monday).
Tatak-Coco Martin ang walang humpay na aksyon na ihahandog sa mga manonood sa “Sigabo.” Ang bagong serye ng ABS-CBN ay mula sa orihinal na konsepto mismo ng aktor, na kilala bilang “Hari ng Aksyon sa Ating Henerasyon.”
Samantala, sa isang panayam, natanong si Coco kung mayroon ba siyang balak na pumasok sa politika.
Ayon sa aktor, “No. Matagal na matagal na iyan. Almost every election palagi ako tatanungin niyan. Paulit-ulit na sinabi ko na, honestly, wala ako interes kasi nakita ko kung gaano kahirap. Mayroon naman tayo talagang matitinong politicians pero napakahirap ng sitwasyon.
“Sa sitwasyon ko ngayon, kung nakakatulong naman ako kahit kaunti sa ating mga kapwa Pilipino, kahit sa sarili kong pamamaraan, okay na ako doon. Kaysa ang gawin ko is ilagay ko ‘yung sarili ko doon and after that syempre iba iba ang intensyon sa’yo ng tao eh. Depende kung maappreciate nila ginagawa mo or sisirain ka nila.
“Sabi ko nga na mas better na ito na tahimik kami bilang magpartner and then tahimik ako sa trabaho ko kasi sabi ko nga sa simpleng pamamaraan mas nakakatulong tayo sa mas maraming Pilipino.”
Ibinahagi rin ni Coco sa panayam na may mga nag-alok sa kanya na mag-endorso ng online gambling platforms. Gayunman, pinili niyang tanggihan ang mga ito dahil hindi umano ito naaayon sa kanyang mga prinsipyo at paniniwala sa buhay.
Saad ni Coco, “One time, may kumukuha sa akin para mag-endorse, pero hindi siya akma sa aking pananaw o prinsipyo sa buhay.
“Tinanggihan ko. And after that, binalikan ako. Hindi ko akalain na sa tanang buhay ko ay o-offeran ako ng ganoong klaseng halaga.
“Diniscuss namin iyon ni Julia
(Montes) and manager and sabi namin, aanhin namin ang ganitong klaseng halaga kung ang masisira naman ang buhay ng mga tao.
“Marami akong nakita na naging hobby ito and after that nasira ang buhay. Parang hindi ko kaya iyon.
“Kung anong mayroon na lang tayo, okay na iyon kaysa maghangad ako ng sobra-sobra and then alam ko naman na marami akong masisira na buhay.”
Samantala, inaasahang maghahatid ng matinding aksyon, nakakakilig na mga eksena ang “Sigabo.” Bukod sa kapana-panabik na kuwento, puno rin ito ng mahahalagang aral na tiyak na kapupulutan ng inspirasyon ng mga manonood. Tunghayan ito gabi-gabi, Lunes hanggang Biyernes.
———
Pang-international din ang “FPJ’s Batang Quiapo” dahil available na ang ika-apat na season nito sa 41 na bansa sa Africa.
Pagkatapos maging pinakapinanonood na primetime series sa Pilipinas mula 2023 hanggang 2026, umabot na sa ibang bansa ang mga sumusubaybay sa seryeng pinagbibidahan ni Coco Martin dahil available ito sa Africa na naka-English, Portuguese, at French sa pamamagitan ng StarTimes channel.
Patuloy na lumalawak ang mga manonood ng serye, na kilala sa pamagat na “Gangs of Manila,” dahil maski sa online ay dumadagsa ang mga positibong reaksyon ng netizens sa Facebook at TikTok posts ng StarTimes na kaugnay dito.
Umiikot ang ika-apat na season ng “FPJ’s Batang Quiapo” sa huling yugto ng pakikipagsapalaran ni Tanggol kung saan ibabalik niya ang dangal ng Maynila bilang bagong mayor ng lungsod.
Kasabay ng pagpatok ng “FPJ’s Batang Quiapo” sa Africa ay ang inaabangang pagbabalik-primetime ni Coco kasama si Julia Montes sa action-romance seryeng “Coco Martin’s Sigabo.”
Pumatok ang “FPJ’s Batang Quiapo” sa mga Pilipino dahil bukod sa pamamayagpag bilang top-rating teleserye sa Pilipinas, nagwagi rin ito ng mga pagkilala kabilang na sa unang Philippine Arts, Film, and Television Awards (PAFTA) kung saan nanalo ito ng Best Drama Series, Best Drama Actor para kay Coco, at Best Breakthrough Performance para kay Maris Racal.
Sa mahigit 50,000 oras ng content na naibenta sa higit 50 bansa sa buong mundo, patuloy na pinapalawak ng ABS-CBN ang global reach ng Filipino storytelling—pinatutunayan na kayang makipagsabayan ng mga kwentong Pilipino sa pinakamalalaking entablado ng mundo.