Advertisers
Kasabay ng Special Session ng Kongreso nitong Miyerkoles, naghain si FPJ Panday Bayanihan Party-List Rep. Brian Poe ng isang resolusyon na humihimok sa Energy Regulatory Commission (ERC) na pabilisin ang pagbabalik ng humigit-kumulang P9 bilyong overcollections ng Manila Electric Company (Meralco) sa mga konsyumer.
Binigyang-diin ni Poe ang kahalagahan ng agarang pagbabalik ng refund, lalo na sa panahong maraming pamilyang Pilipino ang nahihirapang makasabay sa patuloy na pagtaas ng gastusin.
“Ang P9 bilyong ito ay pera ng mga konsyumer. Hindi sila dapat maghintay ng tatlong taon para maibalik ang pondong nararapat na sa kanila,” ani Poe.
“Sa panahong maraming pamilyang Pilipino ang nahaharap sa mataas na singil sa kuryente, ang pagpapabilis ng refund ay magbibigay ng mas makabuluhan at agarang ginhawa sa milyon-milyong kabahayan,” dagdag niya.
Sa ilalim ng resolusyon, hinihikayat ang ERC na aprubahan at ipatupad ang refund sa loob lamang ng isang taon mula sa pag-apruba nito, sa halip na ang kasalukuyang panukala ng Meralco na ipamahagi ang refund sa loob ng 36 na buwan.
Bukod sa pagpapabilis ng refund, hinihiling din ng resolusyon ang pagsasagawa ng isang komprehensibong audit at beripikasyon ng lahat ng refund computations, financial records, at distribution charge calculations upang matiyak na tama ang mga kalkulasyon at naibabalik sa mga konsyumer ang buong halagang dapat nilang matanggap alinsunod sa umiiral na batas at regulasyon.
Nakasaad din sa panukala na dapat magsagawa ang ERC ng regular na public disclosures hinggil sa estado ng refund, kabilang ang mga halagang naibabalik na sa mga konsyumer, metodolohiyang ginamit sa pagkukuwenta, at iba pang hakbang upang mapanatili ang transparency at accountability sa proseso.
Ayon sa Meralco, ang refund ay nagmula sa agwat sa pagitan ng aktwal na distribution charges at ng interim distribution charge na inaprubahan ng ERC para sa mga residential customer noong Enero hanggang Hunyo 2025 at Hulyo hanggang Disyembre 2025.
Batay sa isinumiteng petisyon ng kumpanya noong Mayo 28, 2026, tinatayang ?4.69 bilyon ang nakalaan para sa refund para sa unang kalahati ng 2025 at ?4.32 bilyon naman para sa ikalawang kalahati ng taon, na umaabot sa kabuuang humigit-kumulang ?9 bilyon.
Sa kasalukuyang panukala ng Meralco, ang refund ay ipatutupad sa loob ng tatlong taon, katumbas ng tinatayang refund rate na ?0.09 kada kilowatt-hour (kWh). Gayunman, binigyang-diin sa resolusyon na ang paghihintay ng tatlong taon upang maibalik ang perang nararapat sa mga konsyumer ay magpapaliban sa agarang benepisyong dapat nilang matanggap.
Iginiit din ng resolusyon na may kapangyarihan ang ERC na pabilisin ang mga refund kung kinakailangan. Bilang halimbawa, binanggit ang direktiba ng ERC noong Abril 2026 na nagpapaikli sa natitirang refund obligations ng Meralco mula sa ilang taon tungo sa isang taon upang mabawasan ang epekto ng tumataas na singil sa kuryente sa mga konsyumer.
Ayon sa resolusyon, mahalagang matiyak na bawat sentimong nararapat sa mga konsyumer ay maibabalik nang tama at nasa oras upang mapanatili ang tiwala ng publiko sa regulasyon ng industriya ng kuryente at sa mga mekanismong nagpoprotekta sa kapakanan ng mga konsyumer. (Cesar Barquilla)