Advertisers

Advertisers

YORME ISKO NILINIS ANG QUIAPO SA ‘EXPIRED GOODS’!

0 3

Advertisers

Inanunsyo ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso nitong Miyerkules, Hunyo 17, ang pagkakaaresto sa limang vendor sa Quiapo nang mahuling nagbebenta ng mga expired na produktong pagkain na nagkakahalaga ng tinatayang P950,000 at umano’y nagpapalit ng expiration labels upang magmukhang ligtas pa itong kainin o gamitin.
Kinilala ang mga suspek na sina Melvin Imperial, Allen Bautista, John Clifford Sagun, Analyn Colangoy, at Geelyn Santillan.
Naaresto ang mga suspek 9:30 ng gabi noong Hunyo 16 nang makatanggap ng impormasyon ang mga awtoridad mula sa isang confidential informant.
Ayon kay Domagoso, isang napakadelikadong gawain ang pagbebenta ng mga expired na produkto dahil maaari itong makapinsala sa kalusugan ng publiko.
“Napakadelikadong sitwasyon ito na posibleng mangyari pa sa ibang bahagi ng Maynila,” ani ng alkalde.
Dagdag pa niya, hindi dapat agad magpadala ang mga mamimili sa sobrang murang halaga ng mga produkto.
“Maaari tayo’y nakamumura at mukhang mura, pero hindi ho lahat ng mura ay maganda. Baka mayroon hong dahilan kung bakit ito’y mura,” babala niya.
Batay sa impormasyon ng pulisya, nagsagawa muna ng surveillance at validation ang mga operatiba ng Special Mayor’s Reaction Team (S.Ma.R.T.) sa pangunguna ni Police Lt. Col. Edward Samonte, katuwang ang mga tauhan ng Plaza Miranda Police Community Precinct (PCP) na pinamumunuan ni Police Major Fredwin L. Sernio, bago isinagawa ang operasyon laban sa mga suspek.
Nasamsam sa operasyon ang iba’t-ibang expired na produktong pagkain at iba pang paninda na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P950,000. Narekober din ang tatlong kagamitan na ginagamit umano sa pagpapalit at muling pag-imprenta ng expiration dates ng mga produkto.
“Actual na naaktuhan po natin na nagbebenta itong mga suspects ng mga expired products,” pahayag ni Samonte sa alkalde sa isang “Talk to the People” Facebook livestream.
Ibinunyag din ni Domagoso na ayon sa imbestigasyon, naaktuhan umano ang mga suspek na nililinis at pinapalitan ang mga date labels ng mga produkto sa loob ng comfort room sa ikalawang palapag ng establisimyento. Nakuha rin sa isa sa mga suspek ang isang digital tampering device na ginagamit umano sa pag-imprenta ng pekeng expiration dates.
“Kahit gabi, kahit madaling-araw, pipilitin po naming maging epektibo kayong paglingkuran at ipang-ibabaw lagi sa aming pananaw ang inyong kapakanan at kaligtasan,” ani Domagoso.
“Hindi po namin ito tutulugan. May gobyerno po sa Lungsod ng Maynila at ito’y pananatilihin namin,” dagdag niya.
Matapos ipaalam sa mga suspek ang dahilan ng kanilang pagkakaaresto at ang kanilang mga karapatang konstitusyonal, dinala sila sa Justice Abad Santos Medical Center para sa medical examination bago isinailalim sa dokumentasyon sa tanggapan ng S.Ma.R.T.
Inihahanda na ng mga awtoridad ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga suspek dahil sa umano’y paglabag sa Republic Act 7394 o Consumer Act of the Philippines at Republic Act 10611 o Food Safety Act of 2013, na ihaharap sa Office of the City Prosecutor ng Maynila para sa inquest proceedings. (BP)