Advertisers
NASABAT ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang 14 na inabandonang parsela na naglalaman ng pinaghihinalaang ilegal na droga, na may tinatayang halaga na P56.01 milyon matapos ang isang operasyon na isinagawa sa isang bodega sa Pasay City.
Ang mga parsela, na nagmula sa iba’t ibang bansa sa Asya, Europa, at Estados Unidos, ay namarkahan sa X-ray screening dahil sa mga kahina-hinalang imahe. Ang mga ito ay isinailalim sa 100% na pisikal na pagsusuri at K9 inspection sa pakikipagtulungan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ang karagdagang inspeksyon ay humantong sa pagkakatuklas ng mga pinaghihinalaang ilegal na sangkap, kabilang ang methamphetamine hydrochloride o “shabu” (7,005 gramo), high-grade marijuana o “kush” (5,922 gramo), 100 piraso ng vape cartridges na may likidong marijuana, at opium poppy (8,177 gramo), na may kabuuang tinatayang halaga na P56,010,700.
Ang mga ipinagbabawal na illegal drugs ay nakatago sa iba’t ibang mga kalakal, kabilang ang mga water filter, isang speaker, at iba’t ibang pagkain.
Ang operasyon ay isinagawa sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Customs Anti-Illegal Drug Task Force at PDEA. Ang lahat ng nasamsam ay pormal na itinurn-over sa PDEA para sa laboratory examination at karagdagang imbestigasyon.
Ang BOC-NAIA, sa ilalim ng pamumuno ni District Collector Atty. Yasmin Obillos-Mapa, ay nananatiling matatag sa pangako nitong protektahan ang mamamayang Pilipino sa pamamagitan ng pagtiyak na ang mga international mail at cargo channels ay hindi ginagamit bilang mga conduit para sa ipinagbabawal na kalakalan at transnational criminal activities. (JOJO SADIWA)