Advertisers
NAHAHARAP sa patong patong na kasong kriminal at administratibo ang isang Police Major na isang doktor nang mahuli sa pangongotong sa mga aplikante sa isinagawang entrapment operation sa Legaspi City.
Ang naarestong Police Doctor, 40 anyos, ay nakatalaga sa Regional Medical Unit-5 ng Fernando City, La Union.
Ayon kay Lt. Colonel Maria Luisa Calubaquib, PRO 5 spokesperon, 10:45 ng umaga nagsagawa ng entrapment operation ang mga elemento ng Regional Intelligence Unit 5, Regional Intelligence Division Trucker Team at Legaspi City Police sa loob ng Camp BGen Simeon A Ola sa Brgy. 1 Ems Barrio, Legaspi City
Nabatid na ang nasabing opisyal ay naghihingi ng P38,000 sa mga aplikante kapalit ng pagpasa sa medical examination na bahagi ng proseso ng recruitment sa PNP.
Inaresto ang nasabing opisyal ng mga operatiba nang tanggapin ang P38,000 boodle money mula sa isang complainant sa entrapment operation sa loob ng nasabing kampo.
Narekober sa police-doctor ang isang P1,000 bill at 37 pekeng P1,000 boodle money na may kabuuang halagang P38,000.
Dinala ang nasabing opi-syal sa isang hospital sa Legaspi City para sa medical examination bago iturn-over sa Legaspi Police Station para sa documentation.
Kaugnay nito, ipinag-utos ni PNP Chief, General Jose Nartatez, ang pagsasagawa ng dismissal proceedings laban sa police doctor at pagsasampa ng kasong kriminal.
Iniutos din ni Nartatez ang masusing pagsusuri sa lahat ng recruitment applicants na naproseso ng nasabing opisyal upang malaman kung may iba pang naging biktima at matukoy ang anumang iregularidad na maaaring nakaapekto sa mga nakaraang recruitment activities.
Hinimok ni Narttez ang mga aplikante at kanilang mga pamilya na agad iulat ang sinumang nag-aalok ng tulong sa recruitment kapalit ng pera. Binigyang-diin niya na walang anumang bayad na kinakaila-ngan sa alinmang yugto ng proseso ng recruitment.
(Mark Obleada)