Advertisers
Naglaan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng karagdagang P3 bilyon upang palakasin ang repatriation at reintegration program ng pamahalaan para sa mga overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng kaguluhan sa Middle East.
Ayon kay Executive Secretary Ralph Recto, gagamitin ang pondo para sa buong proseso ng pagpapauwi ng mga OFW, kabilang ang tulong bago umalis, mga flight, at mga programang pangkabuhayan pagdating sa Pilipinas.
Batay sa datos ng Department of Migrant Workers (DMW), umabot na sa 10,446 Pilipino ang ligtas na nakauwi mula sa Middle East hanggang Hunyo 17, kabilang ang 8,281 OFWs, 1,803 dependents, at 362 stranded na mamamayan.
Binigyang-diin ni Recto na nais ng Pangulo na hindi lamang matapos sa pag-uwi ang tulong ng gobyerno. Kasama sa assistance package ang pinansyal na ayuda, psychosocial counseling, medical assessment, job placement, at livelihood support.
Nagkaloob na rin ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng livelihood assistance sa 664 OFWs sa ilalim ng Balik Pinas, Balik Hanapbuhay Program, kung saan maaaring makatanggap ng hanggang P20,000 bilang panimulang puhunan sa maliit na negosyo.
Samantala, patuloy ding nagsasagawa ang DMW ng mga job fair at reintegration activities upang matulungan ang mga balik-manggagawa na makahanap ng trabaho at makapagsimula ng panibagong buhay sa bansa. (Gilbert Perdez)