Advertisers
ISINUSULONG ni Senador Erwin Tulfo ang isang panukalang batas kung saan dapat na ibawas sa suweldo ng isang mataas na opisyal ang mga araw na ito ay absent nang walang malinaw o katanggap-tanggap na dahilan.
Sa kanyang panukala, kasama ang Pangulo, Bise-Presidente, Senador, Congressman at iba pang halal na opisyal ng gobyerno, officials, cabinet secretaries at mga pinuno ng departments at bureaus ng pamahalaan.
“Nakakahiya naman na yung mga tao namin o ordinaryong government employees ay walang sweldo kapag absent, pero kami na mga opisyal maski ilang linggo o buwan na absent, may sweldo?” pagbibigay-diin ni Sen. Erwin.
Kasama rin sa panukala ni Tulfo ang hindi pagbibigay ng mga allowances sa mga opisyal na ‘absent without proper leave.’
Aniya, “nakasanayan na at walang sumisita kahit na absent pero sumasahod. Dahil high-ranking opisyal, sino ang maninita sa amin di ba? Dapat pantay-pantay—ordinary employee o high ranking man, no work, no pay ang lahat.”
Matatandaan na si Sen. Ronald “Bato” Dela Rosa ay nag- absent sa Senado ng anim na buwan pero patuloy lamang na sumasahod.
Ang bawat Senador ay napag-alamang sumasahod ng P300,000 kada buwan o may P10,000 kada araw.
Nang arestuhin si Sen. Jinggoy Estrada nitong nakalipas na buwan, siya mismo ang nagsabi na putulin din ang pagpapasahod sa kanya.
“Saludo naman ako kay Senador Jinggoy na bagama’t hindi pa naman convicted, pero dahil hindi na siya makakapasok sa Senado ay nagkusa na siyang nagsabi na ‘wag na siyang paswelduhin. ‘Yun ang tama,” dagdag pa ni Sen. Erwin. (JERRY S. TAN)