Advertisers
NAGKAISA ang Philippine Sports Commission at National Chess Federation of the Philippines (NCFP) at gumawa ng isang programa na tipunin ang pinakamahusay na kabataang chess players sa buong bansa at sanayin sila para balang araw ay maging mga Grandmaster.
Simula Agosto 1, sinabi ni Jayson Gonzales, chief executive officer ng NCFP, Miyerkules na pagsasama-samahin ng Batang Pinoy Chess Henyo Grassroots Program ang 36 na manlalaro ng chess — tig-12 mula Luzon, Visayas, at Mindanao — na nakapasok sa regional qualifiers at bibigyan sila ng maayos na training program.
Nakakuha ng blessing kay PSC chair Patrick Gregorio at NCFP chief Butch Pichay, nakipagkita si Gonzales kay PSC commissioner Ed Hayco para tapusin ang pagpapatupad ng mahalagang proyekto.
Ang mga nakapasok sa boys at girls 5-8 at 9-11 na age bracket mula Luzon ay sina Aaliyan Borden, Alyiah Beltran, Hahn Tee, Gael Navarro, Mark Albert, Orion Paredes, Sofia Saludares, Althea Paredes, Kate Garcia, Marius Constante, Neil Amatorio, at Clyde Torena.
Ang mga taga-Visayas ay sina Frexine Lim, Elisa Johansson, Frida Bernal, Ivan Icalina, Terrence Donoga, Rybarage Entia, Rhian Salud, Lyrah Villareal, Ellysa Maru, Lance Bangero, Allen Albor, at Navi Icalina.
Mula sa Mindanao ay sina Sabella Sy, Elisha Romarate, Eu Pepito, Magnus Carlsen Sanico, Carlsen Andres Hapitan, Yoseff Prada, Roshan Templa, Scarlett Donoso, Claudiah Fabrigia, Danny Romualdez, Aidh Munsing at Levon Reyes.
Sinabi ni Gonzales na bibigyan ng mahalagang daan ang mga manlalarong ito para maging miyembro ng pambansang koponan sa hinaharap.