Advertisers

Advertisers

BOC, RATSADA SA ANTI-DRUG DRIVE: P116-M DROGA, NASABAT; P23-M ROLLS-ROYCE, NAIBENTA!

0 20

Advertisers

Matinding kampanya kontra ilegal na droga, pagpupuslit at iba pang paglabag sa batas-adwana ang muling ipinamalas ng Bureau of Customs (BOC) sa magkakahiwalay na operasyon nito na nagresulta sa pagkakasabat ng milyun-milyong pisong halaga ng ilegal na droga at pagkakalikom ng halos P23 milyon mula sa auction ng isang mamahaling sasakyan.

Kapuri-puri ang ipinakitang kahusayan ng BOC sa pangunguna ni Commissioner Ariel F. Nepomuceno, na patuloy na nagpapatibay sa kampanya ng pamahalaan laban sa mga sindikatong nagtatangkang gawing daanan ng kanilang ilegal na negosyo ang ating mga paliparan at pantalan.

Sa BOC-Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, isang Amerikanong pasahero ang naaresto matapos masabat ang 17.46 kilo ng hinihinalang marijuana kush na nagkakahalaga ng P17.46 milyon. Nakatago ang mga kontrabando sa mga pakete ng pagkain sa loob ng dalawang bagahe na dala ng pasaherong galing Bangkok, Thailand.



Hindi rin nagpahuli ang BOC-Port of Clark sa pagkakasabat nito, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), ng dalawang shipment na naglalaman ng 19.89 kilo ng ketamine na nagkakahalaga ng P99.445 milyon.

Mula Switzerland at Amsterdam ang dalawang kargamento na idineklarang naglalaman ng mga produktong pangkape at cleaning powder. Ngunit sa masusing inspeksyon at pagsusuri sa laboratoryo, ketamine ang natuklasang laman ng mga ito.



Kung susumahin, mahigit P116 milyon na halaga ng hinihinalang ilegal na droga ang nasabat sa dalawang magkahiwalay na operasyon. Isang malinaw na patunay na hindi natutulog ang mga tauhan ng Customs sa pagbabantay sa mga hangganan ng bansa.

Kapansin-pansin din ang pagkakasabat sa mga bagahe mula Bangkok sa loob lamang ng ilang araw. Ipinakikita nito ang kahalagahan ng paggamit ng makabagong kagamitan sa pagsusuri, K9 inspection at mabilis na koordinasyon sa PDEA at iba pang law enforcement agencies.



Ngunit hindi lamang sa kampanya kontra droga dapat kilalanin ang BOC.

Isang magandang halimbawa rin ang matagumpay na public auction ng isang nakumpiskang 2021 Rolls-Royce Cullinan na naibenta sa halagang P22.952 milyon noong Oktubre 30.

Ang naturang mamahaling sasakyan ay kabilang sa mga motor vehicle na nakumpiska noong 2025 dahil sa indikasyon ng ilegal na pag-aangkat at kawalan ng kaukulang rekord sa Customs Processing Database.

Sa halip na manatiling nakatengga ang nakumpiskang sasakyan, naisagawa ang public auction alinsunod sa batas, kung saan ang nalikom na halaga ay mapupunta sa Bureau of Treasury para makatulong sa pondo ng pamahalaan.

Sa tala ng BOC, umabot na sa P146.677 milyon ang nalikom nito sa public auctions mula Enero hanggang Setyembre 2026, kabilang ang P115.889 milyon mula sa Port of Manila.

Dito makikita na ang trabaho ng Customs ay hindi lamang pagsabat ng mga kontrabando at pagpigil sa ilegal na kalakalan. May mahalaga rin itong papel sa pagprotekta sa kita ng pamahalaan at pagtiyak na ang mga nakumpiskang produkto ay mapapakinabangan ng publiko.

Sa pamumuno ni Commissioner Nepomuceno, mahalagang mapanatili ang ganitong uri ng operasyon—matatag sa pagpapatupad ng batas, maagap sa pagtugon sa mga banta at malinaw sa pananagutan sa paggamit ng mga nakumpiskang ari-arian.

Sa huli, ang tunay na sukatan ng isang mahusay na ahensya ay hindi lamang dami ng nakukumpiska o laki ng halagang naiuulat, kundi ang konkretong pakinabang nito sa sambayanan.

Isang malaking hamon sa BOC ang pagpapatuloy ng ganitong sigasig. Sa bawat kontrabandong napipigilan at bawat pisong naibabalik sa kaban ng bayan, mas napangangalagaan ang interes at seguridad ng mamamayang Pilipino.

Saludo sa mga tauhan ng BOC, PDEA at iba pang katuwang na ahensya. Tuloy ang laban kontra smuggling at ilegal na droga!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.