Ilang opisyal ng Philippine SEAG Organizing Committee, ipapa-subpoena na sa Lunes – NBI chief Matibag
Advertisers
IPAPA-SUBPOENA na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang ilang opisyal ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) sa Lunes, Hulyo 20.
Sinabi ni NBI Director Melvin Matibag, nasa kaniya na ang kopya ng mga pangalan na papadalhan ng subpoena.
Kinabibilangan ito ng mga matataas na opisyal ng komite, kabilang ang chairman, president at incorporator ng kumpaniyang nakasama sa pagtatayo ng kontrobersiyal na New Clark City Sports Complex sa Tarlac.
Giit ni Matibag, bahagi ito ng fact-finding investigation sa paggamit ng pondong dating inilaan para sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Siniguro ng NBI chief na lahat ng mga sangkot at may pananagutan sa naturang proyekto ay hahabulin ng pamahalaan.
Bago nito ay sinabi ng opisyal na posible ring ipatawag si Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa kanilang fact-finding investigation para matanong ukol sa ipinatayong sports complex.