Advertisers

Advertisers

MAYNILA, WORLD-CLASS NA! Global award, pinatunayan ang Digital Leadership ni Isko

0 4

Advertisers

Isa na namang pandaigdigang karangalan ang iniuwi ng Lungsod ng Maynila matapos kilalanin sa larangan ng makabagong teknolohiya at digital innovation, kasunod ng pagkakatanggap nito ng prestihiyosong 2026 Esri Special Achievement in GIS Award sa San Diego, California.

Bilang pagkilala sa natatanging tagumpay na ito, naghain ng resolusyon sa Konseho ng Lungsod si Manila City Councilor at SK Federation President Juliana Rae “Yanyan” Ibay upang pormal na batiin sina Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso at ang Manila City Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) sa pagdadala ng karangalan hindi lamang sa Maynila kundi maging sa buong bansa.



Ayon kay Ibay, napakalaking karangalan para sa lungsod ang naturang pagkilala dahil patunay ito na ang Maynila ay hindi lamang nakikisabay sa mabilis na pag-unlad ng teknolohiya, kundi isa na ring kinikilalang lider sa paggamit nito.

“Napakalaking karangalan ito para sa ating lungsod. Madalas nating pag-usapan ang modernisasyon ng Maynila at ang paghahanda nito para sa kinabukasan, ngunit ipinakita ng parangal na ito na hindi lamang tayo humahabol sa pagbabago—tayo mismo ang nangunguna,” ani Ibay.



Ipinaliwanag pa ng konsehal na sa mahigit 700,000 Esri user organizations sa buong mundo, 197 lamang ang napiling parangalan ngayong taon, at ang Lungsod ng Maynila ang nag-iisang lungsod mula sa Pilipinas na tumanggap ng nasabing internasyonal na pagkilala.

Ayon kay Ibay, malinaw na ipinapakita ng parangal kung gaano kahalaga ang tamang paggamit ng datos at makabagong teknolohiya sa mahusay na pamamahala ng isang lungsod.



Sa ilalim aniya ng pamumuno ni Mayor Isko Moreno, matagumpay na ginamit ng MDRRMO ang Geographic Information System (GIS) upang higit pang mapahusay ang pagtugon sa mga kalamidad, pagpaplano ng mga proyektong pang-imprastraktura, at mas episyenteng pamamahala sa mga urban na lugar sa Maynila.

Binigyang-diin din ni Ibay, na isa sa pangunahing isinusulong ang digital literacy, na isang karangalan ang makatrabaho ang isang alkalde na bukas sa pag-aaral ng mga bagong teknolohiya para sa kapakanan ng mga mamamayan.

“Isang karangalan po ang makatrabaho ang ating alkalde na sabik matuto ng mga makabagong teknolohiya upang lalo pang mapaunlad ang kalidad ng buhay ng bawat Manilenyo,” ani Ibay.

Dagdag pa niya, ang malinaw na bisyon ni Mayor Isko sa digital transformation ang nagdala sa Maynila sa pandaigdigang entablado ng digital innovation at nagbigay ng karangalan hindi lamang sa kabisera kundi sa buong Pilipinas.

Sa pagkilalang ito, muling napatunayan na ang Maynila ay patuloy na umaangat bilang isang makabago, matatag, at teknolohiyang handa sa hinaharap na lungsod—isang lungsod na nagsisilbing huwaran sa paggamit ng makabagong sistema upang maprotektahan at mapaglingkuran ang mamamayan.