Advertisers

Advertisers

PAGBABA SA ‘AGE OF CRIMINAL RESPONSIBILITY,’ PANAHON NANG PAG-ARALAN — MPD PIO CHIEF INES

0 6

Advertisers

INIHAYAG ni Maj. Philipp Ines, public information office chief ng Manila Police District (MPD), na gaya ng marami, sa tingin niya ay napapanahon nang pag-aralan ang Juvenile Justice Welfare Act, para sa posibilidad na ibaba na ang tinatawag na ‘age of criminal responsibility.’

Ginawa ni Ines ang pahayag kasunod ng mga insidente sa lungsod na kinasasangkutan ng mga menor de edad, na ang pinakahuli ay ang pagpatay ng isang 15-anyos sa isang 16-anyos sa pamamagitan ng pagsaksak ng cutter sa leeg nito.

Ayon kay Ines, nakalulungkot na ang insidente ay naganap nang walang dahilan dahil naglalakad lamang ang biktima nang tahimik pauwi kasama ang kanyang mga pinsan.

“Napagtripan lang habang pauwi ang biktima,” ani Ines, sabay puna na tumaas ang mga karahasan sa hanay ng mga menor de edad matapos ang Tacloban high school shooting incident na nag-iwan ng tatlong patay at maraming iba pang sugatan.

Ayon kay Ines, maraming insidente kelan lamang na ang mga sangkot ay pawang kabataan at pinatutunayan lamang umano nito ang kahalagahan na suriin at baguhin na ang batas na nauukol sa juvenile offenders.

“Sa mga ganitong insidente, dapat pag-aralan na talaga ang batas na sumasaklaw sa mga menor de edad. Pabata nang pabata ang mga gumagawa ng krimen. Nakita naman natin sa maraming pagkakataon na tama ang mga rekomendasyong mapag-aralan ang batas na ito,” pagbibigay-diin ni Ines.

Ilan umano sa mga dahilan kung bakit nasasangkot sa mga krimen ang mga kabataan ay ang impluwensiya ng social media, kung saan sila ay may madaliang access lamang. (JERRY S. TAN)