Advertisers
Panibagong dagok sa mga agricultural smuggler ang ikinasa ng Bureau of Customs (BOC) matapos masabat ang limang container van na naglalaman ng mahigit P23 milyong halaga ng maling idineklarang frozen na produktong agrikultura at pagkain sa Port of Manila.
Pinangunahan ni BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang inspeksyon sa mga shipment noong Hulyo 21, katuwang ang Department of Agriculture (DA), bilang bahagi ng pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa agricultural smuggling at iligal na pagpasok ng mga produktong pagkain sa bansa.
Ayon sa BOC, ang limang container ay una umanong idineklara bilang mga processed food products tulad ng squid balls, fish tofu, fish roe balls at iba pang katulad na pagkain. Gayunman, nang sumailalim ang mga ito sa 100 porsiyentong pisikal na inspeksyon, tumambad ang tunay na laman ng mga container.
Sa halip na mga produktong nakasaad sa deklarasyon, nadiskubre ng mga awtoridad ang malaking bulto ng frozen chicken breast, skinless chicken breast, frozen pigeon, Peking duck, duck meat at iba pang frozen agricultural products na hindi wastong idineklara.
Umabot sa P17.03 milyon ang tinatayang halaga ng mga nakumpiskang produkto, habang aabot naman sa P6.24 milyon ang katumbas na customs duties at buwis na dapat sana’y nabayaran. Dahil dito, umabot sa P23.27 milyon ang kabuuang halaga ng shipment.
Ayon sa BOC, natunton ang mga kargamento sa pamamagitan ng customs intelligence, risk assessment at profiling na nagresulta sa paglalabas ng tatlong Pre-Lodgment Control Orders (PLCOs) at dalawang Alert Orders.
Binigyang-diin ni Commissioner Nepomuceno na hindi lamang pag-iwas sa pagbabayad ng tamang buwis ang problema sa ganitong uri ng modus, kundi maging ang panganib nito sa kaligtasan ng pagkain, biosecurity at kabuhayan ng mga lokal na magsasaka at poultry producers.
Nagpasalamat din ang opisyal kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. at sa buong Department of Agriculture sa patuloy na pakikipagtulungan nito sa BOC.
“Hindi natin hahayaang makalusot ang mga sadyang minamali ang deklarasyon upang umiwas sa mga regulasyon at kaukulang buwis. Ang bawat operasyon ay mahalaga upang maprotektahan ang ating ekonomiya, sektor ng agrikultura at kaligtasan ng mamamayan,” ani Nepomuceno.
Samantala, naglabas na si Port of Manila District Collector Rizalino Jose C. Torralba ng Warrants of Seizure and Detention (WSDs) laban sa limang shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act (RA 10863) at Food Safety Act of 2013 (RA 10611).
Iniimbestigahan din ang mga importer para sa posibleng paglabag sa Anti-Agricultural Economic Sabotage Act (RA 12022) dahil lumampas sa P10 milyon ang halaga ng mga kargamento—ang itinakdang threshold para sa kasong large-scale agricultural smuggling.
Iginiit ng BOC na magpapatuloy ang mahigpit nitong pakikipag-ugnayan sa Department of Agriculture at iba pang ahensya upang hadlangan ang agricultural smuggling, maprotektahan ang food security, at pangalagaan ang kapakanan ng mga magsasaka, mamimili at mga lehitimong negosyo sa bansa.(BP)