Advertisers
By Anne Venancio
Muling bibigyang-buhay ni Alden Richards ang karakter ni Dr. Jose Rizal sa upcoming historical film na Liwanag at Dilim: Heneral Emilio Jacinto.
Inanunsyo ito ng theater actor at Pinoy Pop Superstar Season 2 Grand Champion na si Gerald Santos sa kanyang Facebook post, kung saan nagpasalamat siya sa Kapuso actor sa pagtanggap sa mahalagang papel.
Hindi na bago kay Alden ang pagganap bilang pambansang bayani. Noong 2014, ginampanan niya si Dr. Jose Rizal sa GMA historical series na Ilustrado, na nagbigay sa kanya ng pagkilala bilang Best Actor dahil sa kanyang mahusay na pagganap.
Samantala, si Gerald naman ang gaganap bilang Heneral Emilio Jacinto. Ayon sa aktor, mas lalo niyang nakilala at naunawaan ang buhay ng tinaguriang “Utak ng Katipunan” habang binabasa ang script at isinasagawa ang shooting ng pelikula.
“Kung tutuusin, napaka-underrated niyang national hero. At his age at the time, 21 years old pa lang siya nang isulat niya ang Kartilya ng Katipunan, kaya siya tinawag na ‘Utak ng Katipunan.’ Hindi matatawaran ang loyalty niya kay Andres Bonifacio dahil siya ang kanang kamay nito,” pahayag ni Gerald.
Kasama rin sa pelikula sina Sid Lucero bilang Andres Bonifacio, Angel Aquino bilang Kalayaan, Aljur Abrenica bilang Gen. Miguel Malvar, Alexa Miro bilang Victorina Cruz, asawa ni Emilio Jacinto, Mercedes Cabral bilang Sisa, Alex Medina, Ima Castro, Aicelle Santos, Nikko Natividad, Isay Alvarez, Jason Gainza, Jon Achaval, Pekto Diaz, Kuya Manzano, at marami pang iba.
Ang Liwanag at Dilim: Heneral Emilio Jacinto ay isinulat at idinirehe ni Antonino Rommel Ramilo sa ilalim ng PRINSTAR Film Productions.