Advertisers

Advertisers

OVP, SABLAY SA CONFIDENTIAL FUNDS! – COA

0 5

Advertisers

NAPANSIN ng auditor ng Commission on Audit (COA) na nagsuri sa paggamit ng confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) ang ilang paglabag at hindi pagsunod sa mga umiiral na regulasyon sa liquidation reports na isinumite ng tanggapan.

Sa kanyang testimonya sa Senate Impeachment Court nitong Lunes, Agosto 3, sinabi ni COA auditor Benjamin Wamil na may mga hindi pagsunod ang OVP sa itinakdang alituntunin sa pagsusumite ng mga dokumento kaugnay ng paggamit ng confidential funds.

Si Wamil, dating kabilang sa COA-Intelligence and Confidential Fund Audit Office (COA-ICFAO), ay nagsabing dapat mahigpit na sundin ang Joint Circular 2015-01 na nagtatakda ng mga panuntunan sa paglalaan, pagpapalabas, paggamit, pag-uulat at pag-audit ng confidential at intelligence funds.

Ayon kay Wamil, sa physical at financial plan na inaprubahan ng OVP noong Disyembre 13, 2022, hindi tinukoy ng tanggapan ang mga partikular na confidential activities na paggagamitan ng pondo.

“Hindi siya compliant with the Joint Circular dahil sa first column on programs, activities and projects, hindi inindicate ng OVP yung kanilang specific confidential activities na kanilang paggagamitan ng confidential funds as required under item 4.2 of the Joint Circular,” diin ni Wamil.

Ipinaliwanag niya na kinakailangang ilahad ng ahensya ang halagang inilaan para sa bawat programa at aktibidad dahil ito ang magiging batayan sa pagpapalabas ng confidential funds.

Dagdag pa niya, hindi rin nagtugma ang inaasahang resulta at physical targets ng OVP sa mga partikular na confidential activities dahil wala namang espesipikong aktibidad na nakalista sa plano.

Sa disbursement voucher na may petsang Disyembre 20, 2022, sinabi ni Wamil na nakasaad na ang cash advance ay para sa buong taon 2022, na aniya’y hindi naaayon sa Joint Circular.

Ayon sa auditor, dapat malinaw na nakasaad sa voucher ang tagal ng implementasyon ng proyekto. Gayunman, ang cash advance ay para lamang sa ikaapat na quarter ng 2022. Kaya mali ang paglalagay na ito ay para sa buong calendar year.

Sa liquidation report naman, nakasaad na ang sakop ng paggasta ay mula Disyembre 21 hanggang 31, 2022, kahit ang cash advance ay inilaan para sa buong ikaapat na quarter ng taon.

“Napansin ko lang kasi ang kanilang cash advance based on the physical and financial plan supposedly is for the whole fourth quarter of 2022 pero based on this document na-disburse lang siya from December 21 to 31, 2022 or around 11 days,” ani Wamil.

Sinabi rin ni Wamil na kinakailangang isa-isahin ng OVP ang mga partikular na confidential activities kung saan ginamit ang pondo.

Napansin din ng auditor na may ilang line items na isinama bilang confidential expenses na hindi kabilang sa mga pinahihintulutang gastusin sa ilalim ng Joint Circular.

Kabilang dito ang P40 milyong medical at food assistance, at P10 milyong incentive para sa mga biyaheng may kaugnayan sa confidential operations.

Ayon kay Wamil, malinaw na nakasaad sa Joint Circular ang mga eksklusibo at pinahihintulutang gastusin para sa confidential funds.

Maging sa mga sinasabing reward payments, sinabi niyang walang isinumiteng dokumento na magpapatunay sa tagumpay ng information gathering o surveillance activities batay sa impormasyong ibinigay ng isang informer, gaya ng hinihingi ng Joint Circular.

Dahil dito, sinabi ni Wamil na naghanda siya ng isang Audit Observation Memorandum matapos niyang makita na hindi tumutugon ang mga dokumento sa mga rekisito ng Joint Circular 2015-01, at isinumite ito sa kanyang division chief para sa pagsusuri.

Nagpadala rin ang COA ng nakasulat na abiso sa mga accountable officer ng OVP hinggil sa mga isyung natukoy at inatasan silang magsumite ng kanilang paliwanag.