Advertisers

Advertisers

COA: VP SARA SINERTIPIKAHAN ANG P375M!

0 5

Advertisers

PERSONAL na pinagtibay ni Vice President Sara Duterte na ang kinukuwestiyong P375 milyong cash advances para sa confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) noong unang tatlong quarter ng 2023 ay kinakailangan, naaayon sa batas, at isinagawa sa ilalim ng kanyang direktang pangangasiwa, ayon sa testimoniya ng isang auditor ng Commission on Audit (COA) nitong Martes.

Sa pagdinig ng impeachment trial, kinilala ni Roderick Wamil, dating auditor ng COA Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO), ang mga lagda ni Duterte sa mga disbursement voucher, liquidation report, accomplishment report, at mga sertipikasyong isinumite ng OVP.

Ayon kay Wamil, ang tatlong disbursement voucher ay tumutukoy sa tig-P125 milyong cash advance para sa una, ikalawa, at ikatlong quarter ng 2023.

Ipinaliwanag niyang ang mga voucher ang nagsisilbing batayan upang ma-withdraw ang confidential funds ng OVP.

Aniya, nakasaad sa sertipikasyong nilagdaan ni Duterte na ang mga gastos at cash advances ay “necessary, lawful, and incurred under my direct supervision.”

“Sinertify ni Vice President na iyong kanyang cash advances ay kailangan, naayon sa batas at na-incur po under her direct supervision,” pahayag ni Wamil sa direct examination ni private prosecutor Lorna Kapunan.

Sinabi rin ni Wamil na nakilala niya ang lagda ni Duterte dahil nagsumite ang OVP ng kanyang specimen signature sa ICFAO.

Kinilala rin niya ang lagda ng Bise Presidente sa tatlong liquidation reports na nagpapatunay na ang layunin ng cash advances ay naisakatuparan.

“Sinertify po ni Vice President na iyong purpose ng kanilang cash advances ay na-accomplish po ng agency,” dagdag ni Wamil.

Saklaw ng mga liquidation report ang mga panahong Pebrero 6 hanggang Marso 29, Abril 25 hanggang Hunyo 30, at Hulyo 14 hanggang Setyembre 30, 2023.

Ayon pa sa testigo, tumatanggap ang OVP ng nakapirming P125 milyong cash advance kada quarter, at ang buong halaga ay agad na wini-withdraw.

Kinilala rin niya ang lagda ni Duterte sa mga quarterly accomplishment report na naglalaman ng mga gastusin para sa medical at food assistance, incentives o travel kaugnay ng confidential operations, at reward payments.

Gayunman, sinabi ni Wamil na may ilang gastusin sa mga ulat na hindi kabilang sa mga pinapahintulutang paggamit ng confidential funds sa ilalim ng Joint Circular No. 2015-01, na nagtatakda ng mga tuntunin sa paggamit at pag-audit ng confidential at intelligence funds.

Ayon sa kanyang testimonya, nakasaad sa ulat para sa una at ikalawang quarter ang P82 milyon para sa medical at food assistance at P20 milyon para sa incentives o travel-related expenses.

Mayroon ding nakatalang P15 milyong reward payments sa unang quarter at P12 milyon sa ikalawang quarter. Para naman sa ikatlong quarter, iniulat ng OVP ang P35 milyong reward payments.

Gayunman, sinabi ni Wamil na walang naipakitang dokumento ang OVP na magpapatunay na ang mga reward payments ay nagresulta sa matagumpay na information-gathering o surveillance activities, gaya ng hinihingi ng Joint Circular.
Kinilala rin niya ang hiwalay na mga sertipikasyong nilagdaan ni Duterte na nagpapatunay sa nilalaman ng mga dokumentong isinumite ng OVP, na ayon sa kanya ay nakabatay sa standard form na kalakip ng naturang joint circular.
Nagpatuloy ang House prosecution panel sa paghaharap ng ebidensya sa ilalim ng Article I ng impeachment case laban kay Vice President Duterte, na may kaugnayan sa maling paggamit ng confidential funds. – Police Files TONITE news team