Advertisers
NAGPAABOT ng pagbati si Senador Lito Lapid kay Filipina tennis star Alex Eala matapos nitong masungkit ang pagkapanalo sa Mubadala DC Open Championship, na nagmarka bilang kauna-unahang WTA Tour title ng isang Pilipino.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Lapid na ang tagumpay ni Eala ay tagumpay din ng sambayanang Pilipino.
“Taos-puso ko pong pinupuri at binabati si Alex Eala sa kanyang makasaysayang pagkakapanalo sa Mubadala DC Open Championship,” pahayag ni Lapid.
“Ipinamalas niya ang hindi matatawarang katatagan, kagitingan, at husay sa larangan ng tennis na muling nagbigay ng malaking karangalan sa ating bansa,” saad ng senador.
Kaugnay nito, maghahain si Lapid ng isang resolusyon sa Senado bilang pagkilala sa natatanging tagumpay ni Eala at sa kanyang malaking ambag sa pagpapataas ng dangal ng Pilipinas sa larangan ng internasyonal na tennis.
Ayon sa senador, layunin ng resolusyon na parangalan ang ipinamalas na husay, determinasyon, at dedikasyon ni Eala na nagbigay-inspirasyon sa mga kabataang Pilipino at nagmarka sa buong mundo sa pamamagitan ng kanyang makasaysayang panalo.
Bago ang kanyang panalo, tinalo ni Eala ang ilan sa pinakamahuhusay na manlalaro sa mundo, kabilang sina Olympic champion Zheng Qinwen ng China, reigning champion Leylah Fernandez ng Canada, WTA Tour Finals champion at world No. 10 na si Elina Svitolina ng Ukraine, apat na beses na Grand Slam champion na si Naomi Osaka ng Japan, at world No. 3 Jessica Pegula ng Estados Unidos na may 11 WTA titles.
Ang panalo ni Eala ay itinuturing na makasaysayan dahil siya ang unang Pilipinong nagkampeon sa isang WTA Tour event. (Mylene Alfonso)