Advertisers

Advertisers

Disiplina sa koleksyon, tamang paggastos susi sa pag-unlad

0 3

Advertisers

Isa sa malaking asset ngayon ng Manila city government ay ang pagkakaroon nito ng mahusay na pamumuno sa treasury office – at ito ay makikita sa naipakitang performance ng tropa ni Atty.Paul S.Vega.

Sino ang mag-aakala, sa naiwang utang ng nakaraang administrasyon – halagang P14.59 billion – magagawa pa na makabangon sa krisis pinansiyal ang gobyerno ni Mayor Isko Moreno Domagoso?

Pero eksakto, sa loob ng isang taon, ano ang makikitang numero sa kaha ng City of Manila Treasury – na dinatnan na halos ubos ang kabanbayan, tadtad pa sa utang, mga obligasyon, at bagsak ang tiwala ng taxpapers, lalo na ang taumbayan ng lungsod.

Paano mo mapatatakbo ang isang behikulo kung walang gasoline o fuel?

Ano itutulak mo na lang, o ipahihila sa wrecker para dalahin sa talyer o sa gasolinahan.

Kumbaga sa sasakyan, hindi lang walang gas sa tangke ito, kulang pa sa spare parts, kalbo o pudpod na ang mga gulong, ang preno ay may peligro sa disgrasya at ang mga ilaw, signal ay malabo at sira na.

Masakit na sabihin, ang tinanggap na pamahalaang mamanehuhin ni Mayor Isko Moreno at ng kundoktora nito na si Vice Mayor Chi Atienza ay sasakyang pupugak-pugak, kumbaga ay ito ang masasabing pagtutulad.

Pero iba ang nasaksihan ng madlang Manilenyo, pagkat sa unang taon, eksakto, nitong Hulyo 27, Lunes, puno ng pag-asa ang mensaheng dala ni Chief Treasurer Atty. Vega.

Wala na ang krisis pinansiyal, at ngayon, nasa estado na ang pananalapi ng cityhall na may sapat nang paggastos, may pambayad sa iniwang bilyong utang at marami pang obligasyon ng nakaraang administrasyon.

Ang dinatnan na kabangbayan na halos nasimot na, ngayon ay may laman na.

Kumbaga sa bigasan, hindi magsisimot na butil ng bigas para may pansaing.

Ngayon, may laman ang bigasan, may maisasaing sa umaga, sa tanghali at sa hapunan, at may pambili ng ulam at pag sinuswerte, may maipambinili pa ng puto o masarap na meryandang bananacue.

Noong unang araw, mga linggo at buwan, ang daming alalahanin si Mayor Isko Moreno at ano ang gagawin ng Sangguniang Panlungsod, ano ang naiisip na rekomendadyon ni Vice Mayor Chi Atienza upang maiahon sa krisis pinansiyal ang siyudad.

Mabigat na pasanin ito sa balikat, pero iba ang estratehiya ni Atty. Vega – na isang mahusay na finance officer.

Agad na kumilos ang kanyang treasury office team: sinipagan ang koleksiyon ng buwis, gumawa ng disiplina sa di-maayos na paggastos, at nagpopondo sa mga tama at kailangang programa at proyekto, at hindi kinakaligtaan ang obligasyong magbayad sa naiwang mga utang at bayarin.

Kaya nga nitong nakaraang linggo, sa harap ni Mayor Isko Moreno at sa kabnuuang kapulungan ng City Council sa pamumuno ni Vice Mayor Chi Atienza, at mga punong opisyal ng mga departamento at opisina, sa harap ng karaniwang kawani at mamamayan, nagbigay-sulit si Atty. Vega.

Sa umpisa, binuklat niya ang naiwang pananagutan ng nakaraang administrasyon: naiwang utang na na umaabot sa P14.59 billion – na ipinabahala na ng umalis na administrasyon sa tropa ni Mayor Isko Moreno ang bahalang maglinis ng iniwan nilang dumi, basura at krisis sa pananalapi.

Mandin ay hindi premyo ang natanggap ni Mayor Isko at ni VM Chi sa pagkapanalo sa eleksiyon noong 2025.

Tagalinis si Mayor Isko ng iniwang basura, bahala na si VM Chi na magpanukala ng dapat na gawing suporta sa pagbangon sa krisis.

Sa talumpati ni Atty. Vega, ipinakita niya ang malungkot na kalagayan na kabangbayan: ang daming bayaring utang sa mga suppliers, tambak ang koleksiyon sa mga kompanya na mandin ay walang tiwala na magbayad.

May kailangang bayaran sa mga pribadong kompanya, may obligasyon sa mga pagtrabaho na dapat pasahurin, may mga serbisyong may panganib na maihinto pagkat walang pondo, dagdag na kailangang magpasahod at nang maituloy-tuloy ang serbisyo sa mamamayang Manilenyo.

Sa paglalarawan, bangkarote ang kabangbayan!

Mabigat ang pasanin, pero pinasan, isinabalikat ito nina Mayor Isko, sa tulong ng City Council at ng buong treasury team, ano ang naging resulta matapos ang isang taon?

Pero hindi kayang matinag ang tropang Isko na kilala sa mabilis na kilos at matimping disiplina sa gawa at madiskarteng pag-iisip.

Nagpalabas si Atty. Vega ng mga memoranda, mga dagliang utos, ayon sa pangangailangan – ito ay upang mapatatag ang koleksiyon.

Kailangan mabura ang mga utang, upang maibalik ang kumpiyansa at pagibayuhin ang tax collection system at kailangan nang mabura ang naiwang utang, ang- P12.72 billion commercial obligation.

Sinipagan pa ang koleksioyon at nabayaran ang P307 million na utang sa utility, at nagawa sa loob ng isang taon na panay ang kahig at tuka, nabayaran din ang P1.55 billion ang Social Amelioration Programs.

Nagawa pang mapondohan ang mga proyektong nalikha ng proyekto na pinagtibay ng City Council.

Ibinida ng treasury team ang mga sinuong na problema.

Todo ang trabaho ng team ni Atty. Vega na inayos ang Sistema ng paniningil, koleksiyon at pagbabayad.

Nilinis niya ang mga transaksiyon sa paniningil, pagbabayad at pagkolekta ng bayarin, utang at buwis.

Upang maiwasan ang tiwaling Gawain, ipinatupad ang digitalization ng tax assessment at payment systems, at dagdag, upang maibalik ang tiwala at kumpiyansa ng taxpayers, nagpairal si Atty. Vega at kanyang treasury team ng mga transparency – upang makita ng publiko, maayos ang koleksiyon, maayos ang paglalaan ng pondo at maging ang paggastos.

Binuksan ang proseso upang makita ng publiko kung saan napupunta ang pondo.

Upang mahikayat ang publiko, lalo na ang mga taxpayers na may duda o gusto mang magbayad ay kapos sa pambayad, nagpatupad si Mayorr Isko Moreno at sa suporta ni Vice Mayor Chi Atienza ng isang amnesty programs para sa delinquent taxpayers, at incentives sa mga regular tax payers.

Ano ang naging bunga ng mga hakbanging ito?

Naibalik ang panatag na kalagayan, tiwala at kumpiyansa ng mga taxpayers, at ang resulta, pagtaas ng koleksiyon.

Sabi ni Atty, Vega, sa unang taon, yung iniwang utang ng nakaraang administrasyon ay na-settled na, nabayaran na ang P7.81 billion.

Ito ay mahigit sa 53.5percent ng iniwang bayarin at utang ng nakaraang administrasyon.

Sa mahusay na koleksiyon, matimping paggastos, tiwala ni Mayor Isko ang naiwang utang na 6.78 billion, ay mababayaran din –nang hindi maisasakripisyo ang totoong serbisyo sa taumbayang Manilenyo.

Maganda ang ipinakikita nito: ang nawalang tiwala ay naibalik na, at ang tiwalang ito, sabi ni Atty, Vega ang siyang susi sa pag pagbangon mula sa krisis pinanansiyal ng cityhall.

Malinaw ang mensahe na inihayag ni Atty. Vega sa mamamayang Manilenyo: matatag na ang kalagayang pinansiyal ng siyudad, at naibalik na ang katatagan at transparency sa pananalapi.

Totoong kahanga-hanga ang ginawa ng treasury office na maibangon sa krisis ang lungsod, ito ay nagawa bunga ng mahigpit na disiplina sa pag-iingat ng salapi, at araw-araw na pagsubaybay sa galaw ng gastusin at bayarin at ang pagbabayad sa naiwang bayarin ng nakaraang adminstrasyon.

Kinilala ni Yorme Isko ang nagawa ni Atty. Vega na muling maibalik ang kredibilidad at mahusay na maitaguyod ang pagtustos sa araw-araw na obligasyon at gastusin ng pamamahala.

Karapatdapat nga ang pagpapasalamat at pagpuri ni Mayor Isko sa buong fiscal management team ni Atty. Vega.

Bunga ng maayos na pamamalakad sa koleksiyon ng buwis at fiscal controls ay naging pundasyon ng muling pagbangon ng Maynila.

Bunga ng mahigpit na paggastos – sa paraang tama at nasa ayos, mayroon nang sapat na pondo ang pamahalaang lungsod para sa serbisyong panlipunan gaya ng edukasyon, kalusugan, at disaster preparedness.

Sabi ni Mayor Isko, bunga ng matatag na pinansiya, naipagpapatuloy ang programang pangkabuhayan at allowances para sa senior citizens, estudyante, guro, PWDs, at iba pang sektor ng Lipunan.

Ang pagkilala ni Mayor Moreno ay hindi lamang papuri, kungdi pagpapakita ng mas malawak na mensahe.

Na ang susi sa muling pagbangon ng lungsod ay bunga ng disiplina sa pananalapi, at dahil sa maayos na koleksiyon ng buwis at masinop na paggastos, ang Maynila ay muling nakapagsilbi nang epektibo sa mga Manilenyo.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisima@yahoo.com.