Advertisers
Pinangunahan ni Bureau of Customs (BOC) Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang inspeksyon sa dalawang container van na naglalaman ng tinatayang ₱40 milyong halaga ng mga ipinagbabawal na paputok at pyrotechnic devices na maling idineklara upang makalusot sa bansa.
Ayon sa BOC, ang dalawang shipment na nagmula sa China ay kapwa nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱20 milyon. Natukoy ang mga ito ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) matapos makatanggap ng intelligence reports na nagsasabing may mga paputok na itinago sa loob ng mga container.
Isa sa mga shipment ay idineklarang “shelves” at kalaunan ay boluntaryong inabandona ng consignee, habang ang ikalawa naman ay nakasaad sa dokumento bilang “ceramic cups.”
Sa isinagawang physical examination ng Bureau of Customs – Manila International Container Port (BOC-MICP), tumambad ang aktuwal na laman ng mga container—mga firecrackers at iba pang pyrotechnic devices na ipinagbabawal ang pag-aangkat sa ilalim ng Republic Act No. 7183 at ng implementing rules nito.
Binigyang-diin ni Commissioner Nepomuceno na patunay ang pagkakasabat sa pagiging epektibo ng screening at intelligence operations ng ahensya laban sa smuggling.
“Kung makikita natin, epektibo ang screening process natin. Iba’t ibang klaseng kontrabando ang nahaharang natin, kaya sana itigil na ng mga smugglers ang illegal na importasyon. Mauubos lang ang puhunan niyo,” ani Nepomuceno.
Matapos ang kaukulang proseso, isasailalim sa kaukulang kaso ang mga sangkot at ipapasa ang mga nakumpiskang paputok sa mga nararapat na ahensya ng gobyerno para sa tamang disposisyon at pagsira sa mga ito.
Samantala, sinabi ng BOC-MICP sa pamumuno ni District Collector Atty. Geoffrey K. De Vera IV na patuloy nitong paiigtingin ang pagbabantay sa mga pantalan upang mapigilan ang pagpasok ng mga ipinagbabawal at maling idineklarang produkto.
Ayon sa Bureau of Customs, bahagi ito ng mas pinaigting na kampanya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. laban sa smuggling at economic sabotage, kasabay ng pagpapalakas ng border security at pagsasampa ng kaso laban sa mga nasa likod ng iligal na kalakalan.(BP)