Advertisers
SOLID ang pagkakaisang pagkilos ng pamahalaan at iba’t ibang sektor upang mapangalagaan ang mga nakamit na tagumpay laban sa Communist Terrorist Group (CTG) o’ mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF.
‘Whole-of-nation-approach’ ika nga, sa pangunguna ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) ang galawan para nawala na ang mga komunistang-teroristang CPP-NPA-NDF.
Pinalakas pa lalo ang NTF-ELCAC upang matugunan nito ang mga kakulangan, at higit pang mapabilis ang paghahatid ng kapayapaan at kaunlaran sa mga komunidad, nang magtapos ang tatlong-araw na First Semester CY 2026 Accomplishment Reporting and Strategic Planning Workshop nitong nakaraang linggo.
Sa kanyang pangwakas na mensahe na inihatid ni Deputy Director General Benjamin Madrigal, pinuri ni National Security Adviser at NTF-ELCAC Vice Chairperson Eduardo S.L. Oban Jr. ang sama-samang tagumpay na nagpalawak sa abot ng serbisyo ng pamahalaan, nagpahina sa impluwensya ng armadong kilusan, at naghatid ng kaunlaran sa mga komunidad na higit na nangangailangan.
Binigyang-diin naman ni NTF-ELCAC Executive Director Undersecretary Ernesto C. Torres Jr. na ang mga ulat at plano ay hindi lamang mga dokumento kundi mga buhay na gabay at pangako sa sambayanang Pilipino.
Ang mga CTG nga raw ay nabubuhay sa paghahasik ng pagkakahati-hati at disimpormasyon, ngunit ang lakas ng pagkakaisa, pagkakaugnay-ugnay ng mga pagsisikap, at katatagan ng mga mamamayan ang gagapi sa mga ito.
Sinuri din sa workshop ang mga naging resulta ng unang semestre, tinukoy ang mga kakulangan sa implementasyon, at pinag-isa ang mga prayoridad na nakatuon sa resulta—na nagpapatibay sa paninindigang ang pangmatagalang kapayapaan ay maisusulong lamang sa pamamagitan ng matatag na pagkilos ng pamahalaan, katuwang ang pribadong sektor at mamamayan.
Kabilang sa mahahalagang naging bunga ng workshop ang pagpapalakas ng suporta ng publiko, pakikilahok ng mga komunidad, at reintegrasyon ng mga dating rebelde. Umabot sa 4,368 ang nabigyan ng tulong pangkabuhayan, 10,687 ang natulungan sa paghahanap ng trabaho, at 2,398 ang sumailalim sa social case management. Bunga rin ng tuloy-tuloy na operasyon sa seguridad ay nabawasan ang impluwensya ng CTG, habang pinalawak ng mga programang pangkaunlaran at mga multi-sector partnership ang paghahatid ng serbisyo at nakatulong sa pagpapababa ng kahirapan sa mga saklaw na lugar.
Mabuhay ang bumubuo ng task force! Nasa kanilang mga kamay ang pananagumpay natin laban sa mga komunistang-terorista.