Advertisers

Advertisers

RISA KONTRA GIYERA KONTRA DROGA NI GONGDI

0 5

Advertisers

HABANG abala si Gongdi at mga kasamang heneral sa PNP tulad ni Bato dela Rosa, Oscar Albayalde, at iba pa sa pagpuksa sa mga mahihirap na pinaniniwalaan na adik o tulak ng ipinagbabawal na droga, nagsalita si Risa Hontiveros kontra sa madugo pero palpak na giyera kontra droga. Nangyari Ito noong ika 5 ng Pebrero, 2017 at nakapitong buwan pa lang sa poder si Gongdi ngunit marami ng napatay.

“We can’t kill our way out of the drug problem,” ani Risa sa isang madamdaming pahayag na pinulot ng Human Rights Watch, ang pandaigdigang advocacy group ng mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao. Malinaw ang kanyang posisyon noong mga panahon na ipinapatay ni Gongdi ang mga mahihirap na parang mga manok.

Ang pagtataguyod ng kalusugan pampubliko (public health) and solusyon at hindi ang patayan, ani Risa. Marapat na tratuhin ang paggamit ng ipinagbabawal na droga bilang usapin ng kalusugan, aniya.

Idineklara ni Risa na bigo ang giyera kontra droga ni Gongdi pagkatapos makapagtala ng 7,022 katao na pinatay noong unang bahagi ng 2017. Abot sa 2,555 ang pinaslang ng mga pulis at 3,603 ng hindi kilalang gunmen.

Ipinaliwanag ni Risa na isang estratehiya pulitikal ang mga extrajudicial killings (EJKs) at layon nito na isipin ng mga tao na hindi mahalagang isyu ang malawakang kahirapan haban pinapatay ang mga mahihirap.

Hindi makabubuti sa mga pamilyang Filipino ang mga EJKs dahil marami ang nagiging biyuo’t biyuda at nauulila, ani Risa. Sinisira ng mga patayan ang pamilya, aniya. Marapat managot ang mga nagpatupad ng mga EJKS sa ilalim ng madugo pero bigong giyera kontra droga, aniya.

Isa si Risa sa kakaunting mambabatas na nagsiyasat sa pagpatay sa 17 anyos na si Kian de los Santos case noong 2017. Pinatay si Kian ng mga pulis Caloocan kahit nagmakaawa siya na huwag patayin. Nagharap siya ng mga katibayan na nagamit sa husgado upang patawan ng sentensya ang mga pulis na pumatay kay Kian.

Kumilos rin si Risa upang masiyasat ang pagpatay sa Korean mangangalakal na si Jee Ick-joo sa loob ng Camp Crame noong 2017. Biktima si Jee ng kidnapping for ransom. Sinabi ni Risa sa nagsisiyasat na Senado: “Ang tokhang for ransom ay hindi isolated incident. Ito ay produkto ng war on drugs na walang pagtataya at paggalang sa human rights.”

***

MAY ginampanang papel si Leni Robredo sa pagtutol sa madugo pero bigong war on drugs ni Gongdi. Kinilala ni Leni ang pinsala ng malawakang patayan na inilunsad ni Gongdi. Si Leni ang pangalawang pangulo ni Gongdi. Bilang lider ng oposisyon, tumayo siya sa hindi katanggap-tanggap na giyera kontra droga ni Gongdi.

Hindi ipinikit ni Leni ang kanyang mga mata laban sa kawalanghiyaan ni Gongdi. Tutol siya sa walang humpay na patayan sa mapaminsalang war on drugs. Hindi maaalis ang kredito kay Leni dahil nagsalita siya kontra sa mga EJKs.

Magkalinawan lang. Kahit hayagang tinutulan ni Leni ang war on drugs ni Gongdi, hindi siya sumama at lumagda sa sakdal na crimes against humanity na magkasamang isinampa ni Sonny Trillanes at Gary Alejano sa International Criminal Court (ICC).

Hiningi ang suporta ni Leni sa sakdal, ngunit malamig siya. Dumistansya’t hindi nagsalita kahit katiting. Ang pakiramdam namin ay hindi ganap na naunawaan ni Leni ang silbi ng ICC noong panahon na iyon. Hindi niya alam ang ICC tulad ng maraming lider pulitikal.

Isinampa ang sakdal noong ika-4 ng Abril, 2017 . Ang namayapang manananggol na Jude Sabio ang nagsumite ng kauna-unahang sakdal sa ICC. Ito ang paraan upang bigyan ng proteksyon ang mga nagtrabaho sa sakdal at hindi sila pag-initan ni Gongdi. Kalakasan ng poder ni Gongdi ng isakdal siya sa ICC. Kasagsagan ng kanyang digmaan kontra droga.

Kahit hindi sumama sa sakdal sa ICC, hindi tumigil si Leni sa pagkontra sa EJKs kahit naisampa ang sakdal laban kay Gongdi ng wala siyang malinaw na suporta. Nainis si Gongdi sa kanya. Bilang ganti, ninombrahan siya bilang “drug czar” noong ika-6 ng Nobyembre, 2019, ngunit sinibak pagkatapos ng 18 araw.
Ani Sal Panelo, tagapagsalita ni Gongdi noong panahon na iyon, “nabigo” si Leni sa tungkulin bilang drug czar. Hindi sineseryoso ang taong grase na si Panelo dahil sinungaling siya. Hindi tumahimik si Leni kahit sinibak siya ni Gongdi bilang drug czar.

Noong Enero, 2020, naglabas siya ng 40-pahina ulat na pinamagatang “Tayo ang Pag-asa: Recommendations on Drug War” at inilahad ng ulat ang mga findings at rekomendasyon tungkol sa giyera kontra droga ni Gongdi. Ayon sa ulat:

– Nasa 1% lang ng 1.6 milyon adik at surrenderees ang nabigyan ng rehabilitasyon at ang marami sa kanila ay nakalista lang;

– Bumagsak ang presyo ng droga at ipinakikita ng pagbagsak na hindi kumaunti ang supply na sa pagtaya ng ulat ay nasa P6,800 kada gramo ng shabu price, 2016-2019;

– Abot sa 10% lang ng P42 bilyon anti-drug budget ang napunta sa rehab;

– Ayon sa opisyal na bilang ng PNP, abot sa 5,601 ang napatay sa giyera kontra droga ni Gongdi kahit na nasa pagitan ng 12,000 hanggang 27,000 ang bilang ng mga human rights group.

Inirekomenda ni Leni, na tratuhin ang mga adik sa droga bilang mga biktima kahit nabigo ang gobyerno ni Gongdi na habulin ang mga bigtime supplier at money laundering, pag-ibayuhin ang pagmamatyag sa mga komunidad, at palakasin ang community rehab tulad ng community-based drug rehabilitation program na pinangunahan niya sa Naga City at anim pang LGU.

Hindi tinanggap ng administrasyon ni Gongdi ang ulat ni Lent. “Wala ng bago sa mga datos. Luma na,” ani Gongdi bilang paglibak kay Leni. Walang nangyari sa ulat.