Advertisers
Umapela ang kampo ni dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa Ombudsman na maging patas sa pagtrato sa pagbibigay sa kongresista ng pagkakataong tumugon o magkomento sa anumang mga bagong alegasyon laban rito.
Base sa naging pahayag ni Atty. Ade Fajardo, legal counsel at tagapagsalita ng mambabatas, ang panawagan kasunod ng mga espekulasyon na maaaring gipitin ang dating Kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Manuel Bonoan upang iugnay si Romualdez sa umano’y flood control scam.
Sa kahilingan ng Ombudsman, inalis si Bonoan sa kasong plunder at graft na nagkakahalaga ng P573 milyon at pinalaya mula sa pagkakadetine ng tatlong-miyembrong Fifth Division ng Sandiganbayan sa isang kontrobersyal na desisyon na mariing pinuna ng isang miyembro ng dibisyon na hindi sumang-ayon sa ruling.
“Hinihiling namin sa Ombudsman na ipaalam sa amin kung may anumang alegasyon si Sec. Bonoan laban kay dating Speaker Romualdez at bigyan kami ng sapat na panahon upang makapagkomento rito,” ani Fajardo.
“Mayroon ding ulat na may 28 bagong testigo ang Ombudsman. Nais naming malaman kung may anumang pahayag mula sa kanila laban sa aming kliyente, at nais din naming mabigyan ng pagkakataong tumugon,” dagdag niya.
“Ang patas na proseso at due process ay nangangailangan na maibigay sa amin ang naturang impormasyon at pagkakataon sa puntong ito ng prosesosa yugto ng preliminary investigation—at hindi lamang kapag nagpasya na ang Ombudsman na magsampa ng kaso sa korte,” mariing pahayag niya.
Binigyang diin ni Fajardo na ang anumang bagong alegasyon laban kay Romualdez ay hindi saklaw ng mga naunang pleading na isinumite niya sa Ombudsman.
Noong Agosto 20, naghain ang kongresista ng Leyte ng supplemental affidavit kung saan hiniling niya sa Ombudsman na ihinto ang preliminary investigation laban sa kanya, na binanggit ang pagbawi sa mga alegasyong ginawa ng limang Maleta Boys, kabilang ang unang testigo sa flood control scam na si Orly Guteza.
Kasama rin sa kanyang inihain ang mga pahayag ng 25 kasamahan ng Maleta Boys na kumokontra sa mga orihinal na paratang na ginawa ng mga Maleta Boys.
Sa kanyang pagbawi ng pahayag, sinabi ni Guteza na pinilit umano siyang gumawa ng mga pahayag laban kay Romualdez nina Sen. Rodante Marcoleta at dating Quezon City congressman Mike Defensor, na kapwa itinanggi ng dalawa ang naturang alegasyon.
Muling iginiit ni Fajardo na sa pagbawi ng mga pahayag ni Guteza at ng apat na iba pang Maleta Boys, pati na rin sa mga pahayag ng 25 sa kanilang mga kasamahan, wala nang “kapani-paniwalang ebidensiya” laban kay Romualdez.
Muli rin niyang sinabi na si Bonoan, o alinman sa kanyang mga inhinyero o tauhan sa DPWH, ay hindi nag-ugnay sa dating Speaker sa flood control scam, o sa anumang maanomalyang flood control project o kickback. (Cesar Barquilla)